Pulitika nga naman

HALOS isang taon pa ang dadaan bago mag-eleksyon sa National Press Club, pero maaamoy mo na ang gitgitan para sa mga posisyon dito.

Dito mo makikita (maaamoy pala) ang baho ng paboritong pampalipas-oras ng mga Pinoy, ang pulitika.

Sa ganang akin, nababahuan ako. (Kaya siguro bagama’t mahilig akong mag-obserba ukol sa pulitika ay ayokong maging pulitiko. Sensitive ang ilong ko).

Ang partikular na kasong tinutukoy ko ay ang pagpapalabas ng intrigang “iniipit” umano ni dating NPC president Benny Antiporda ang P6-milyong pondo ng organisasyon.

Ayaw na raw nitong ibalik ang kuwarta.

Bilang editor ng Remate Online at dyaryong Remate, “boss” ko si Benny at sasabihin ng marami na maaaring inutusan niya akong isulat ang kolum na ito upang maipagtanggol ko siya.

Pero hindi. Totoong si Benny ang amo ko, pero dapat sana’y hindi na.

Dahil nakalipat na ako sa isang sikat na television network ilang buwan na ang nakararaan.

Ang totoo nito ay nakapasok na ako roon at nagsimula nang magtrabaho.

Pero matapos ang ilang araw ay bumalik ako sa Remate, isang hakbang na hindi ikinatuwa ng aking pinakamamahal na misis.

Kasi naman, tatlong doble ang sahod ko sa sikat na network.

Kaya sinabi ko ito ay dahil ang dahilan ng pagbalik ko sa poder ni Benny ay gusto ko siya bilang isang tao.

Siya ang unang magsasabi na “marumi ang bunganga ko” (dahil maraming “palamuti” kung siya’y magsalita, lalo na kung galit).

Pero ang wala akong kaduda-duda ay kung gaano kapuro ang puso niya kung ang pag-uusapan ay ang pagtulong sa kapwa.

Ang ehemplo nito, minsan, ilang buwan na ang nakararaan, ay nagkasalubong kami ng isang ka-miyembro sa kapilya sa loob ng NPC compound.

Nang tanungin ko siya kung ano ang ginagawa niya roon ay sinabi nitong may pulong siya at mga kasamahan niya kay “Sir Benny.”

Ang grupo ng kasama ko sa kapilya ay isa sa mga tinutulungan ni Sir Benny.

Kung ilan nang buhay ng mga anak nilang may sakit ang nabigyan ng pag-asang mabuhay ay hindi ako tiyak.

Pero sa pagkakataong iyon ay natiyak ko ang ka-rakter ng aking boss.

Sabi ko sa sarili ko, mas gusto kong boss si Benny kesa sa isang impersonal na korporasyon na hindi ko man lamang malalapitan kung ano’t ano man ang mangyari.

Gusto ko na sanang sabihin na hindi ko maintindihan kung bakit siya tinitira ngayon ng ilan, kasi alam kong pulitika ang puno’t dulo ng ganitong intriga.

Ang kasalukuyang pa-ngulo ng NPC na mismo ang nagpapatunay: Hindi nawawala ang P6 milyong pondo na nakalaan sa proyektong pabahay nito para sa mga miyembro.

Tiniyak ni NPC president Jerry Yap na “intact” ang halaga at “above board” ang desisyon ng pamunuan ng NPC na ilaan ang naturang pondo para sa proyektong murang pabahay para sa mga miyembro ng NPC.

Alam ng lahat na sa ngalan ng pulitika nagiging masama ang mabuti at nagiging mabuti
ang masama.

Huwag naman sanang gayahin ng mga “pulitiko” sa loob ng NPC ang mga dirty tactics ng mga pulitiko na mismong kinokondena natin.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply