Pumatay sa staff ni Isko tukoy na

KILALA na ng mga awtoridad  ang suspek sa pamamaslang sa staff ni Manila Vice Mayor Isko Moreno  noong Huwebes ng umaga (hulyo 7) sa Tondo,Maynila.

Sinasabing “resbak” upang iganti lamang ang kanyang kapatid ang nakikitang motibo ng suspek sa pagbaril ng armalite sa biktimang si Jonathan Ignacio, 37.

Ayon kay P/Insp. Armand Macaraeg, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, hindi na umano matagpuan sa bahay ang suspek, kung saan matagal itong naging kapitabhay at kaibigan ng biktima bago pa man lumipat sa Prudencio st., ang huli.

Hindi pa maaring ilabas ang pangalan ng gunman sa kadahilanang baka masira umano ang ginagawang follow up operation ng pulisya.

Nabatid na nagkaroon ng alitan ang kapatid ng biktima at kapatid ng gunman kaya rumesbak ito at pinagbalinggan ang noon ay tulog pang si Ignacio.

Matatandaang naganap ang insidente nuong Huwebes, Hulyo 7, ganap na alas-5:15 ng umaga  habang ito ay natutulog katabi ang kanyang live-in partner at anak sa ikatlong palapag ng kanilang inuupahang apartment .

Matapos ang pamamaril ay tumakas ang gunman kasama ang isa pang nagsilbing look out sakay ng motorsiklo.

Tiniyak naman ni Macaraeg na walang bahid pulitika sa anggulo bagamat pinag-aaralan pa ang iba pang posibleng motibo sa krimen. Jocelyn Tabangcura-Domenden

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply