Rebelasyon ni Santiago huli na– Sotto

TINABLA ni Senate Majority Leader Vicente Sotto ang isinagawang pagbubulgar ni dating Special Action Force Intelligence chief Senior Supt. Rafael Santiago Jr. hinggil sa nangyaring dayaan sa canvassing ng 2004 presidential election.

Sa pahayag, sinabi ni Sotto na bagama’t tinatanggap niya ang pagbubulgar na isinagawa ni Santiago, hindi naman maikakaila na masyado nang huli ang lahat at sana ay noon pa ito nagsalita upang mabigyan ng katarungan ang bomoto kay yumaong Fernando Poe Jr.

Kasabay nito, hiniling naman ni Sen. Francis “Chiz” Escudero kay House Speaker Feliciano Belmonte na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon upang matukoy kung sinong opisyal sa Batasang Pambansa ang nakipagsabwatan sa nakaraang administrasyon upang mandaya.

Ayon kay Sotto: “Kalugod-lugod ang ginawa ni Santiago, kabilang ang pagbubulgar ng ilang saksi sa switching ng election returns habang binibilang ang boto ng kandidato sa pagka-Pangulo at Pangalawang Pangulo noong 2004.”

Ngunit idinagdag ng senador na hindi katanggap-tanggap naman ang timing sa pagbubulgar ni Santiago.

Kung ginawa umano niya ito at ilan pang saksi sa dayaan, sana umano ay hindi nangyari ang mga masasamang bagay sa panahon ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo.

“I welcome the revelation  of various witnesses attesting to the switching of election returns in the custody of the House of Representatives in favor of then candidate Arroyo, but at the same time regret that it’s only now that they came out,” ayon kay Sotto.

Mahigpit na naninindigan si Sotto na si Poe ang siyang nanalo sa 2004 presidential elections, ngunit ibang istorya naman ang palitan ng election returns.

“Now  that we have the operatives themselves coming out to reveal their participation in this fraud on the Filipino people, let us hear them out, as we wish that they came out 7 years earlier in May of 2004,” giit ni Sotto.

“Truth-telling must be timely to be beneficial. ‘Aanhin pa ang damo, kung patay na ang kabayo,’ is an appropriate Filipino saying,” patapos ni Sotto.

Kaugnay nito, sinabi ni Escudero na kung walang matataas na opisyal ng Batasang Pambansa o halal ng kinatawan sa panahon iyon na nakipagsabwatan sa administrasyon ni Arroyo, hindi mangyayari ang palitan ng ERs.

“The silence of the House officials at that time is surely defeaning. I urge and call on the House to conduct a separate inquiry or investigation on this matter as this is clearly an affront on the institution,” ayon kay Escudero.

Samantala, wala umanong balak ang Malakanyang na bilhin ang testimonya at video ng grupo ni Santiago na diumano’y nagsagawa ng pagpapalit sa mga election returns sa Batasang Pambansa noong 2004 presidential elections.

Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, si Justice Secretary Leila de Lima na ang bahalang mag-assess ng ebidensya mula sa mga pulis.

Aniya, siguradong sasailalim sa masusing pagbusisi ang mga testimonya sa gitna ng pagdududa ng ilang sektor.

“Concerned po tayo sa credibility nila (Santiago), that’s why De Lima is there to assess, they will be scrutinized diligently,” ang pahayag ng opisyal.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply