Recruiter ni Sally, nagpasok ng ‘not guilty plea’

“NOT GUILTY PLEA” ang ipinasok ng recruiter ng binitay na drug mule sa China na si Sally Ordinario-Villanueva, sa ginanap na arraignment sa kanyang kaso sa Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 35.

Si Teresita Cacayan ay binasahan ng sakdal sa kasong paglabag sa Section 5, of Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Kasama ang kanyang abogado si Atty. Aquil Ismael, ng  Public Attorney’s Office at mga escort mula sa National Bureau of  Investigation (NBI) agent nang dumating sa korte ala-1:30 ng hapon.

Hindi naman nakasipot ang abogado ni Cacayan na si Atty. Luvimindo Balinang, kaya itinalaga ni Manila RTC Judge Ma. Bernardita Santos si Ismael, para pansamantalang maging kinatawan ni Cacayan.

Kung sakaling mapatunayang guilty, nahaharap sa parusang kamatayan si Cacayan.

Nauna rito, nabatid na noong Hunyo 10, inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kaso kay Cacayan sa Manila RTC, makaraang mapatunayan na may “probable cause” para sampahan siya ng kasong large-scale at illegal recruitment at drug trafficking.

Ang resolusyon ay nilagdaan noong nakalipas na Mayo 31 at inaprubahan nina Prosecutor General Claro Arellano at  Senior Deputy State Prosecutor Severino Gana.

Nabatid sa DOJ resolution, nakumpirma na si Cacayan ang bumili ng tiket ni Villanueva papuntang China at nalaman na si Cacayan ay hindi awtorisadong recruiter.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply