Reporma sa DFA pinuri ni PNoy

PINAPURIHAN ngayon ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III ang mga repormang naipatupad sa Department of Foreign Affairs (DFA) kung ihahambing sa nakaraang administrasyon.

Sinabi ng Pangulo na kung dati ay binabatikos ang Pilipinas sa mga banyagang headlines, ngayon ay pinupuri dahil sa pamumuno Foreign Affairs Secretary Alberto del Rosario.

Ayon sa Pangulo, sa kabila umano ng mga krisis na hinaharap ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Middle East, Japan, Yemen at Libya, hindi umano nagpakita ng takot o kahinaan ang gobyerno.

Nanaig umano ang dedikasyon at mas umigting ang pagpupursige na iligtas ang mga kababayan.

Hindi rin pinalampas ng Pangulo ang umano’y madilim na kabanata sa ugnayang panlabas ng bansa.

Inihalimbawa nito ang nangyari sa Iraq na inilikas ng Pilipinas ang tropa nito para lang mapagbigyan ang demand ng mga rebelde at palayain ang kababayang si Angelo dela Cruz.

Ginawa umano ito ng Pilipinas sa kabila ng pangako sa Estados Unidos na kasama nila tayo sa laban.

Sinabi ng Pangulo na hindi maganda sa ugnayang panlabas ang iwas-pusoy, pabagu-bagong desisyon at hindi tumutupad sa mga pangako.

“Kapag ugnayang panlabas ang pinag-uusapan, hindi tayo maaaring maging iwas-pusoy, magpapalit-palit ng desisyon, o bawiin ang ating ipinangako. Nagmistula tuloy tayong kapitbahay na walang isang salita. Putak lang nang putak, ngunit kapag dumating ang unos, wala namang ginagawa. Imbes na tumibay, unti-unting natibag ang ating pakikiisa sa mga banyaga,” ani Pangulong Aquino.

ibinunton pa ng Pangulong Aquino ang sisi sa dating administrasyon sa pag-init pa ng tensyon sa West Philippine Sea.

Binigyang diin ng Pangulo na hindi sana lumaki ang problema kung sinunod noon ng Pilipinas ang declaration of the Code of Conduct of parties in the South China Sea.

Ayon kay Pnoy, lumaki ang problema nang makapasok sa teritoryo ng Pilipinas ang ilang bansa na kasali sa exploration base na rin sa pinasok na Joint Marine Seismic Undertaking ng Arroyo administration noong 2005.

Gayunman, patuloy na tinitiyak ng Pangulong Aquino na hindi magpapa-api ang Pilipinas sa mga malalaking bansang nagki-claim din sa nasabing isla. Johnny F. Arasga

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply