RH bill ‘ilalaban nang patayan’ ni Senator Pia

TINIYAK ni Sen. Pia Cayetano na kanyang  “ilalaban nang patayan” ang pagsasabatas ng kontrobersiyal  na Reproductive Health Bill na inaasahang sisimulan ang madugong debate sa  plenaryo sa mga susunod na araw.

Ayon kay Cayetano, pangunahing awtor ng “The Reproductive Health Act of 2011” na nakikita niya ang matalinong pagtalakay sa panukala at interpelasyon ng mga senador kahit umabot na sa 20 mambabatas ang lumagda sa inihain na committee report bago magsara ang sesyon noong Marso.

Umaasa si Cayetano na magiging bukas ang interpelasyon sa Senate floor matapos maibahagi ni Sen. Miriam Defensor-Santiago ang kanyang co-sponsoring speech sa RH bill sa pagbubukas ng sesyon bukas, Agosto 1.

“I look forward to explaining the different issues and defending the RH bill before my colleagues as an urgent measure that will save the lives of mothers, the newborn and the unborn. I also hope to clarify whatever misconceptions they may have in the course of the plenary debates,” dagdag ni Cayetano, na siyang chairman ng  Senate Committee on Health and Demography and Committee on Youth, Women and Family Relations.

Umabot sa 20 mula sa 23 miyembro ng Senado ang lumagda sa Committee Report No. 49 nang ihain ito sa plenaryo bago magwakas ang sesyon ng Kongreso noong nakaraang Hunyo.  Sa bilang na ito, anim ang lumagda nang walang reserbasyon, 13 ang pumirma nang may reserbasyon o naglalayong makipagtalakayan o amendahan, at isa lamang ang tumutol.

Umaasa rin si Cayetano na patuloy na susuportahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang panukala kahit hindi ito binanggit sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang Lunes.

“Even if it wasn’t mentioned in the SONA, I believe that the President supports it,” aniya.

Nalugod din si Cayetano sa pagiging bukas ni Senate President Juan Ponce Enrile na nagdeklarang nakahanda na ang Senado na talakayin ang pros and cons ng RH Bill sa kanyang speech noong nakaraang linggo sa pagbubukas ng ikalawang regular na sesyon ng Kapulungan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply