Sabwatan ng pulis at punerarya pahirap sa tao

SADYA yatang may mga indibiduwal na nakikipagsabwatan sa mga pulis para lang magkamal ng pera kahit na sabihin pang may mga taong lalong nababaon sa kagipitan.

Ito ang nakalap ng Lily’s Files mula sa isang lugar sa Quezon City kung saan may nabaril at napatay na lalaki. Dito natin napansin ang pagiging pakialamero ng isang alyas “Lando” sa trabaho ng mga pulis.

Nakapagtatakang hindi man lang ito sinaway ng mga awtoridad, lalo na ng taga-Scene of the Crime Operatives ng Quezon City Police District na naroon sa crime scene.

Hindi ba kabawal-bawalang lumapit o pumasok ang sinomang sibilyan sa isang lugar na kinapapalooban ng “police line” hangga’t hindi natatapos mag-imbestiga at kumuha ng ebidensiya ang SOCO?

Sa puntong ito, sinikap ng Lily’s Files na alamin kung sino si “Lando” na pakialamero kung may namamatay. Si alyas Lando ay tinaguriang “untouchable” at isa sa mga may-ari ng punerarya na nangongontrata ng mga namamatay sa lungsod at kumpare raw ng ilang matataas na opisyal ng QCPD.

At alam niyo bang bukod sa matataas na opisyal ng QCPD ang mga kumpare nitong si alyas “Lando” ay malakas at malaki rin daw itong maghatag sa mga pulis? Hindi kataka-taka kung bakit sa kanya ibinibigay ng mga buwayang imbestigador ang mga napapatay dahil totoong nakalulula ang ibinibigay nitong halaga sa mga pulis-Q.C.

Napag-alaman ng Lily’s Files na sa bawat patay na nakukuha nitong si Lando ay tumataginting na P7,000 ang ibinibigay nito sa QCPD at P2,500 sa SOCO sa crime scene pa lang at kapag ipina-autopsy na ay panibagong P2,500 na naman sa SOCO.

Wowwww, kawawang Juan dela Cruz!

Kaya pala ganun kamahal ang serbisyo ng mga punerarya ay dahil natural lang na idagdag ng punerarya sa kanilang presyo ang perang ibinibigay sa mga pulis. Tsk tsk tsk, hindi kaya nakokonsensiya rito ang mga buwayang pulis at pati ang patay ay pinagkakakitaan pa ng malaki. Ang kakapal din ng mukha nitong mga pulis na ito na nakikipag-sabwatan sa mga may-ari ng punerarya na tulad ni Lando.

Mahiya naman sana ang mga pulis na nakatalaga sa Homicide Section ng anomang distrito sa Metro Manila. Ang lalaki na nga mga suweldo ninyo, dinurugas pa ninyo ang mga patay para ipakain sa inyong mga pamilya.

Mga tsong at sir, isipin niyo, matinding maningil ang karma. Ok lang sana kung kayo ang tatamaan. Paano kung ang asawa at anak niyo ang magbabayad?

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply