Sangkot sa Evangelista carnap-slay gustong maging state witness

TAHASANG sinabi ng akusado at nag-a-apply na state witness sa Venson Evangelista carnap-slay na si Alfred Mendiola na hindi siya sumasang-ayon sa plano na ito ay patayin.

Inihayag ito ni Mendiola sa pagpapatuloy ng paglilitis sa nasabing kaso sa sala ni Judge Ma. Luisa Quijano-Padilla ng Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) Branch 215.

“Did you agree to the alleged plan to kill Venson?” tanong ni Atty. Mac Perez, abogado ng suspect na si Jayson Miranda, sa kanyang cross examination kay Mendiola.

“No!” mariing sagot ni Mendiola.

Ngunit, sa kabila ng kanyang pagtutol, hindi na umano pumasok pa sa isipan ni Mendiola na pigilan ang planong pagpatay ng mga kasamahan sa carjack syndicate alinsunod na rin mungkahi ng isa pang suspect na si Rolando “Rolly” Talban.

Aniya, kahit na ang magkapatid na lider ng grupo na sina Raymond at Roger Dominguez ay hindi rin nakaimik nang imungkahi ni Talban ang masamang balakin laban kay Evangelista.

Aniya, kahit nung tinalian na ng packing tape ang mga kamay at iba pang bahagi ng katawan ni Venson ay hindi na rin niya nagawa pang kumontra, gayundin nung binabagtas nila ang North Luzon Expressway (NLEX).

“Noong itinatali na po ang kamay nung long hair (Evangelista), hindi na ako nakaimik kasi ang alam ko ang trabaho ko lang ay mapa-road test ang sasakyan,” dagdag pa ni Mendiola.

Sinabi pa ni Mendiola na siya ang pinakabago sa grupo kaya hindi siya masyadong makaimik.

Tinangka pang basagin ng depensa ang kredibilidad at testimonya ni Mendiola nang magbato ng mga tanong si Perez na ang layon lamang ay subukin ang memorya ng saksi.

Tinanong pa ni Perez kay Mendiola kung may inialok ba ang prosekusyon o pulisya na anumang kapalit kung tetestigo siya sa kaso na mariin namang itinanggi ni Mendiola.

Bago ang paglilitis medyo nagkainitan sina Judge Padilla at ang abogado ni Mendiola na si Atty. Willie Rivera nang ipilit ng huli na tumetestigo ang kanyang kliyente bilang saksi at hindi bilang akusado.

Sinabi ni Rivera na naghain na sila ng petition for certiorari with writ of mandamus sa Supreme Court noong Lunes, Hulyo 4, hinggil sa nasabing usapin ng pagiging state witness ni Mendiola.

Pero sinabi naman ni Judge Padilla na hintayin na lamang ang desisyon ng SC ngunit sa kasalukuyan hindi pa maituturing na state witness si Mendiola. Robert C. Ticzon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply