Saudization: ‘Exit only,’ pati inhinyero hagip na

KABILANG sa mga overseas Filipino worker na nasampulan ng patakarang Saudization ang ilang inhinyero na nagpaso ang kontrata sa trabaho sa Saudi Arabia.

“EXIT ONLY” ang itinatak ng mga nasa imigrasyon sa Saudi sa working visa ng mga inhinyero at wala nang iba pa, gaya ng “RE-ENTRY” para sa mga nire-rehire.

Tapos na, hindi na makababalik pa sa Saudi para magtrabaho sina engineer. Papalitan na sila ng mga istambay o naghahanap ng trabaho na mamamayang Saudi.

Yan ang Saudization.

Walang sinasanto ang patakarang ito ng mga Arabiano: maid, houseboy, family driver, saleslady, nurse, engineer.

Lalo’t ayaw nilang tanggapin ang batas ng repablik ni Juan na dapat nasa $400 ang minimum na sahod ng pinakamababang uri ng OFW.

Kasama ng Saudization ang pagharang sa mga maid in da Pilipins na pumunta sa Saudi dahil sa isyung $400.

oOo

Pero alam ba ninyo ang nagaganap sa Philippine Overseas Employment Administration?
Tuloy ang pagproseso ng papeles ng mga aplikanteng pa-Saudi.

Katwiran nila, basta may job order, walang makahaharang sa POEA, kahit sibat pa, sa pagpapalipad ng mga OFW sa Saudi.

Eh paano kung mabulilyaso nga ang mga OFW? Paano ang mga napakalalaking gastos ng mga ito sa paglalakad ng lahat ng mga papeles, health check-up, pamasahe, fee sa POEA at bayad sa mga employment agency? Sino ang babalikat sa mga bulilyasong empleyo sa Saudization?

Ang pinakamahalaga ba sa gobyerno ay kumita mula sa mga ibinabayad at ginagastos ng mga OFW at bahala na ang mga ito sa buhay nila pagkatapos?

Kapag ibinilanggo, ni-reyp at minaltrato ang mga OFW dahil sa Saudization, sino ang mananagot, huh?

Tugon nila: nagbago lang ang Saudi ng sistema sa pagtatak sa visa. Kaya?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply