Saudization: Hagip pati ang mga nars

SERYOSOHIN nang husto ang programang Saudization ng bansang Saudi Arabia.

Sa programang ito, nais ng pamahalaang Saudi na mga mamamayan na nito ang gagampan ng mga trabaho ng mga dayuhan.

Ang sabi noong una, ang mga maid, family driver, saleslady lang na mga dayuhan ang mapalalayas.

Ngayon naman, nakalista na rin maging ang mga nars.

Sino-sino ang mga susunod? Ang mga nasa konstraksyon mula sa steelman hanggang sa mga inhinyero, doktor, computer specialist at mediaman?

Kung tutuusin, napuwersa nang magsimula ang Saudization sa pagtanggi nila na bigyan ng $400 na sahod ang mga overseas Filipino worker na kinabibilangan ng mga maid.

At bigla ngang lumitaw ang hanay ng mga nars na mahahagip ng patakarang ito.

oOo

Walang makatitiyak sa saktong bilang ng mga OFW na matatamaan ng patakaran simula nang tumanggi ang Saudi Arabia na magbigay ng $400 sahod sa isang buwan at sarhan ang pintuan nito sa lahat ng mga kasambahay mula sa repablik ni Juan.

Sa loob mismo ng Saudi Arabia na may 1.8M OFW, araw-araw nang sinisibak sa trabaho ang mga kasambahay, family driver at iba pa na nag-ekspayr na ang kontrata.

Isinusurender ang mga ito ng kani-kanilang mga employer sa mga embahada o konsulado o saan mang opisina ng pamahalaan doon.

Kung aabot sa 200,000 ang magiging biktima ng patakaran, mabigat na problema yan.

Lalo na kung iisipin na milyong katao ang kahulugan nito kung isasama ang bilang ng pamilya na nakadepende sa mga ito.

Ang masakit dito, baka dito magsimula ang pang-aabuso sa mga OFW.

Tandaan: marami ang sinasalbahe sa kagipitan!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply