School opening sa Setyembre posible

INIHAYAG ng Department of Education (DepEd) na malaki ang posibilidad na ilipat sa Setyembre ang pagbubukas ng klase simula sa susunod na taon.

Ayon kay Education Undersecretary Alberto Muyot, hinihintay pa nila ang rekomendasyon ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) hinggil sa naturang usapin.

“Since the proposal is based on the weather, we will await the recommendation of PAGASA, it being the appropriate agency to give advice on weather patterns,” ani Usec. Muyot.

Idinagdag pa ng pangalawang kalihim, na kanilang pag-aaralang mabuti ang anumang rekomendasyon na manggagaling sa nasabing ahensiya bago gumawa ng desisyon.

Naunang isinulong ng ilang sector ang naturang hakbang upang maiiwas ang mga estudyante sa peligrong dulot ng sama ng panahon lalo ang bagyo gayundin na maraming oras ang nawawala sa pag-aaral ng mga estudyante dahil sa madalas na pagkasuspinde ng klase.

Nauna na ring ipinahiwatig ni Education Secretary Armin Luistro ang posibilidad nang ihayag nito na kanilang pag-aaralan ang naturang plano.

Nagpahayag naman ng matinding pagtutol ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa pangunguna ni Rep. Antonio Tinio sa naturang plano dahil malamang magreresulta sa mas malaking problema ito dahil mag-aaral naman sa mainit na panahon ang mga bata.

“Hindi conducive sa pag-aaral ng mga bata ang summer months dahil nakapakainit at alam naman natin na ang ating mga public schools maliban sa overcrowded ay wala namang air-conditioning system,” ani  Rep. Tinio.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply