Senado kumbinsidong may sabwatan sa biniling 3 chopper

KUMBINSIDO ang liderato ng Senate Blue Ribbon Committee na nagkaroon ng sabwatan sa maanomalyang pagbili ng Philippine National Police (PNP) ng tatlong helicopter sa halagang P105 milyon.

Ayon kay Sen. Teofisto Guingona III, chairman ng nabanggit na komite, mahaharap sa kasong plunder ng mga kasabwat sa anomaly kabilang ang mga opisyal ng PNP na responsable sa palpak na transaksyon.

Sinabi ng senador na dapat magsalita na ang mga sangkot na pulis kung sino ang may pakana ng maanomalyang transaksyon  na bumili ng dalawa sa tatlong choppers sa presyong brand new samantalang second-hand lang naman ang mga ito.

Nabatid na sa pagdinig nitong Huwebes, Hulyo 28, nabigo ang mga senador na pigain ang PNP para idawit ang pangalan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kontrobersiya matapos itinanggi ng mga pulis na binaraso sila ng maimpluwensyang tao sa nakaraang administrasyon para bilhin ang naturang mga choppers.

Sa imbestigasyon ng Senado, mistulang nagtuturuan ang  mga sangkot na pulis.

Sa panig ni dating Dir. Luizo Ticman, dating chairman ng PNP negotiation committee at miyembro na rin ng bids and awards committee, pinanindigan nitong brand new ang pinabibiling choppers batay sa dokumento.

Pero ang pinuno ng inspection and acceptance committee na si Dir. George Piano, sinabi nitong hindi nila alam na brand new pala ang pinabibiling helicopters kaya’t hindi ito kabilang sa pinatitiyak sa ginawang inspection.

Bunga nito, malaki ang hinala ni Sen. Franklin Drilon na naloko ng Manila Aerospace Trading Corp. (MAPTRA) ang PNP sa ibinentang choppers.

Pero ang piloto ng kontrobersyal na choppers na si Supt. Claudio Gaspar Jr., na isa sa tumulong sa ginawang inspection, ay umamin na noon pa man ay alam na nitong luma ang dalawang helicopter.

Katunayan, bago umano binili ng PNP ay nililipad na niya ang mga ito mula pa noong 2004. Kkabilang sa mga isinasakay nito ay sina dating First Gentleman Mike Arroyo at ang anak na si Rep. Mikey Arroyo.

Ayon kay Gaspar, hindi pa nabili ng PNP ang naturang chopper, siya na ang itinalaga ng Malakanyang bilang piloto nito.

Gayunman, hindi umano niya matiyak kung ang pamilya Arroyo ang nagmamay-ari ng nasabing helicopter.

Sa darating na Agosto 2, araw ng Martes, ay ipagpapatuloy ng Senado ang imbestigasyon nito at kabilang sa tiniyak na dumalo ay ang mga opisyal ng MAPTRA, ang kompanyang binilhan ng PNP ng kontrobersyal na helicopters. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply