Senado maghihinay-hinay sa pagbatikos kay GMA

NAGKAKAISA ang maraming mga senador na maghinay-hinay muna sa pagbatikos kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ngayong nakaratay ito at nakatakdang operahan bukas sa kanyang cervical spine.

Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, bilang pagpapakita ng pakikipagkapwa-tao, tatantanan muna ang mga kritiko sa pagbanggit ng mga isyung kinasasangkutan ni Arroyo.

Ito rin ang paniniwala ni Sen. Edgardo Angara, na nagsabing isa sa magagandang katangian ng mga Filipino ay ang pagbibigay-galang sa buhay ng kapwa.

Sinabi ni Sen. Gringo Honasan na bago pa man ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III at bago pa man isugod si Arroyo sa pagamutan noong Lunes ay nanawagan na siya na bawas-bawasan na ang pagbanat sa dating Pangulo.

Ayon sa senador, kung tutuusin naman umano ay hindi lang si Arroyo ang may kasalanan sa mga problemang kinakaharap ngayon ng bansa kundi ito ay resulta na rin ng mga kapalpakan at gawa ng ilan pang mga nagdaang administrasyon.

Nagbigay naman ng babala si Senate Majority Leader Vicente Sotto sa mga kritiko ng dating Pangulo na kapag hindi tumigil ang mga ito sa pagbanat ay baka sila pa ang masisi sakaling may mangyaring masama dito.

Nangangamba si Sotto na baka makadagdag sa stress ng dating Pangulo ang patuloy na pagbanat laban sa kanya.

Nagkakaisang sinabi nina Sotto at Honasan na makapaghihintay naman ang pagbanat at kung talagang gusto nilang papanagutin si Arroyo at iba pang inaakusa ay dalhin na lamang sa korte ang mga kaso at doon hayaan itong umusad.

Matatandaang nagpahayag si Sen. Antonio Trillanes IV na hindi kailangang magkaroon ng ceasefire kahit nasa ospital si Arroyo dahil ang konsensya niya mismo ang uusig sa dating Pangulo.

Iginiit ni Trillanes na wala naman umanong pakialam ang dating Pangulo nang limasin nito ang kaban ng bayan noong ito pa ang nakaupo sa Malakanyang.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply