Senate probe sa lumang PNP chopper sinimulan na

SINIMULAN na ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon hinggil sa maanomalyang pagbili ng Philippine National Police (PNP) sa tatlong second hand na light operational helicopter na nagkakahalagang P105 milyon noong 2009.

Ayon kay Sen. Teofisto Guingona III, sisimulan ang pagtatanong sa lahat ng sangkot sa tawaran, negosasyon at pag-aapruba ng supply contract sa Manila Aerospace Trading Corporation (MAPTRA) na pinaghihinalaang pag-aari ng pamilya ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

“Sisiyasatin natin ang bintang na nagkaroon daw ng katiwalian sa pagbili ng Philippine National Police ng ilang helicopters noong taong 2009. Sabi sa kontrata, bago raw ang mga ito ngunit ayon sa mga dokumento na naisumite sa komite na ito ay second-hand na pala,” ayon kay Guingona. “Hindi brand-new pero pinagbayad ang gobyerno ng presyong pang-brand new.”

Ipinaliwanag ni Guingona na iniimbestigahan ng Senado ang anomalya upang malaman ang katotohanan sa likod ng paratang at makalikha ng kaukulang batas na magpapatibay sa batas hinggil sa procurement process sa PNP.

“Inimbitahan natin ang ilang mga taga-PNP upang maipaliwanag nila kung paano sila pumasok sa kontratang ito at talaga po bang tinanggap nila ang mga second-hand na helicopters kahit nakalagay sa kontrata na brand-new dapat ang bibilhin ng gobyerno,” ayon kay Guingona.

“Inimbitahan din natin ang mga taga-MAPTRA na kompanyang nagbenta ng helicopters sa PNP. Sila ang nasa posisyon upang ipaliwanag kung bakit pinagbayad nila ang mamamayang Pilipino ng presyong pang-brand new sa mga helicopters na segunda mano naman pala,” dagdag ng senador.

Noong 2008, ang PNP ay nangailangan ng tatlong fully equipped helicopters. Alinsunod sa batas, nagkaroon ng notice of bidding para rito. Pero walang sumali sa unang bidding kaya nagkaroon uli ng second bidding. Muli, wala pa rin sumali sa second bidding.

Dahil dito, nagpasya ang PNP na magkaroon ng negotiation conference. Sa negotiation conference, sumali ang mga bidders na MAPTRA at BEELINE. Hindi nagtagumpay ang unang negotiation dahil ang inialok ng MAPTRA ay isang fully equipped helicopter at dalawang standard helicopters sa halagang P105 milyon.

Samantalang ang Beeline naman ay nag alok ng dalawang helicopters sa halagang P119 milyon.

Ang sumunod na pangyayari ang nakapagtataka. Nagpasya ang PNP na ayos na sila sa isang fully equipped helicopter at dalawang standard helicopter na nagkakahalagang P105 milyon.

Dahil dito, napagpasyahan na ang MAPTRA ang nanalo ng supply contract. Klaro sa kontrata na brand new ang pinag-usapan ng MAPTRA at PNP.

“Sa kontrato mismo, nangako ang MAPTRA na brand new nga ang mga helicopters nila,” paliwanag ni Guingona. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply