Simple pero matindi

ISANG tropa natin sa kapulisan ang nagtimbre sa akin ng isang nakaaalarmang balita.

Ayon sa aking source, lantaran at mas agresibo na daw ang mga nagpapakilalang mga tauhan ng mga kilalang illegal gambling operators sa pakikipag-usap sa mga awtoridad para itimbre ang kanilang napipintong pagbabalik sa sirkulasyon.

Ang dahilan? Anila ang walang humpay na kampanya ng pamahalaan ngayon laban sa jai-alai na pinatatakbo ng Meridian Vista Gaming Corp (MVGC) ay ang unang hakbang upang tuluyan ng muling maging aktibo at ligal ang jueteng.

Idinagdag pa nang aking impormante na kapag napahinto na nang tuluyan ang jai-alai games , iyon naman ang simula para mag-operate na ang Loterya ng Bayan sa ilalim ng Philippine Charity Sweepstakes Office.

Sa unang tingin ay tila wala namang problema ang Loterya ng Bayan dahil lumalabas na ligal ito at ang PCSO pa ang magpapatakbo.

Pero sa malalim na pagsusuri ay lumalabas na ang mag-ooperate pala ng loterya ay iyon ding dati nang mga kilalang jueteng operators.

At dahil dito ay magagamit pa nila ang loterya na cover para mas mapalakas pa ang iligal na operasyon ng jueteng.

Simple pero matindi. Kung totoo ang impormasyong ito ay dapat sigurong mag-isip muna si Pangulong Noynoy kung itutuloy pa ba niya ang pagbubukas ng Loterya ng Bayan.

Lalo pa ngayon na nasa gitna nang mga kontrobersiya ang PCSO, dahil lumalabas na hindi naman pala talaga nagagamit lahat sa charity o pagtulong sa mahihirap ang kinikita nito at sa halip ay nagiging gatasan o milking cow pa ito ng mga pulitiko.

Kung paniniwalaan natin ang ating mga naririnig sa Senado, lumalabas na hindi gaya ni Robin Hood, ang kinikita nang PCSO ay kinukuha sa mga mahihirap para ibigay sa mga mayayaman.
He-he! Hindi ba, Pareng Fer Taboy?

Sa aking opinyon, mas mabuting hayaan na lang ng pamahalaan na mag-operate ang Meridian at ang jai-alai games nito dahil kahit paano ay sigurado tayo na may kikitain ang pamahalaan mula rito.

Naobliga kasing ihinto ng Meridian ang operasyon nito dahil nagpalabas si Justice Secretary Leila de Lima ng utos na hulihin ang lahat ng mga nagpapatakbo ng off fronton betting stations na nasa labas ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA ).

Mukhang may mali sa utos ni De Lima. Lumalabas kasi na ang ligal na operasyon ng Meridian ay ginawa niyang iligal para palitan naman ng ligal na siguradong gagawing iligal ng mga operator nito. Ang gulo naman talaga!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply