Snatcher dinamba ng reporter, kalaboso

HINDI na nakaalpas sa kamay ng radio reporter ang isang snatcher makaraang masukol ang huli sa Quezon City Police District Police, Miyerkules ng gabi.

Himas-rehas na si Darwin Fajardo, 19, tubong Pangasinan, ng Block 10 Lot 12, King Charlie St., Subd. Brgy., Bagbag Novaliches, Quezon City.

Ang biktima na luhaang dumulog sa nasabing himpilan para ireklamo ang suspek ay nakilalang si Khraye Geleen Dagelet, 21, clerk ng Villarica Pawnshop, 4577 Macopa St., Brgy., Gen T. De Leon Valenzuela City.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, naganap ang insidente sa Quirino Highway cor. Mindanao Avenue, Brgy., Talipapa, bandang 8:35 ng gabi.

Ayon kay PO2 Edison Baguilan, may hawak ng kaso, habang pauwi na ang biktima sakay ng pampasaherong jeepney sa kahabaan ng Quirino Highway sa nabanggit na lugar nang sumakay ang suspek na nagkunwaring pasahero.

Kasunod nito ay bigla na lamang hinablot ng suspek ang shoulder bag ng biktima at mabilis na tumakbo palayo patungong Kings Point.

Ayon naman kay Ernie dela Cruz, 28, radio reporter ng DWAD 1098 khZ, narinig niya na may sumisigaw sa loob ng pampasaherong jeepney kaya agad niya itong tinungo at doon ay nakita na tumatakbo ang isang lalaki na bitbit ang isang bag ng biktima.

Agad sinundan ni dela Cruz ang suspek hanggang sa abutan sa kanto ng King Point kung saan naman kinuyog ng taong bayan at pinagtulungang bugbugin.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply