SONA ni Aquino umani ng mga papuri at pintas

KUNG mayroong mga pumuri at nasiyahan sa State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Benigno Aquino III na binigkas niya sa harap ng magkasanib na sesyon ng mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso kamakalawa ng hapon ay mayroon din namang mga bumatikos.

Ayon sa mga kritiko ng Pangulo, ang kanyang pangalawang SONA o pag-uulat sa katayuan ng bansa ay kulang sa timpla ng detalyadong paglalarawan ng kanyang bisyon o pananaw para sa hinaharap ng sambayanang Pilipino.

Bukod dito ay marami rin daw importanteng isyung nilaktawan (sinadya man o hindi) ang talumpating binigkas sa Tagalog na tumagal ng halos isang oras at pinalakpakan ng maraming ulit ng asemblea ng mga senador at kongresista at ng galerya.

Sa mga pumuri, naging matindi ang dating sa kanila ng mga pagsisiwalat ng Presidente ng mga bagong tuklas na mga katiwalian pa sa gobyerno na tulad ng paggastos ng mga opisyal ng PAGCOR ng mahigit sa isang bilyong pisong halaga ng tasa ng kape at pagpasok sa maanomalyang mul-tibilyong pisong proyekto sa pagpapalalim sa bumabaw na lawa o dagatan ng Laguna.

Sa aming opinyon, kapwa balido ang mga puntong binanggit ng mga kritiko at ng mga humanga sa mahabang ulat ng Pangulo sa mga Filipino na tinawag niyang “ang tunay na boss ko.”

Sa report ng Pangulo, dalawang bagay ang tumatak sa aming isipan.

Una ay ang kanyang vision o magandang pangitain sa dulo ng matuwid at tamang landas na maikalat ang prutas ng demokrasya at pambansang kaunlarang pangkabuhayan sa lahat ng mga mamamayan.

Pangalawa ay ang kanyang pangarap at adhikain ukol sa transpormasyon o pagbabago ng kaanyuan ng lipunang Filipino sa pamamagitan ng pagwawaksi sa “utak wangwang” ng mga nasa pamahalaan at nasa sektor na pribado.

Bagama’t hindi  nabanggit sa speech kung paano niya ito isasagawa, may naunang ulat na nagsasabing ilang panukalang-batas ang nakahanda na upang pagdebatehan sa Kongreso na inaasahang babago sa negatibong kamalayan ng mga Filipino tulad ng ugaling kanya-kanya, utak alimango, walang bigayan, suwapangan at makasariling pag-uugali.

Napatunayan din sa SONA na maaaring magamit ang wikang Pilipino sa mga talastasang pormal at di-pormal na kasing bisa ng Ingles, ang ating pangalawang opisyal na pambansang wika ayon sa ating Konstitusyon.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply