Sports tourism sa Zambales aarangkada

PUSPUSAN talaga ang pagtatrabaho ni Gob. Jun Ebdane ng Zambales upang mapalawig ang turismo sa lalawigan. Sunod-sunod na naman ang sports events na nakahanay ngayong Hulyo.

Una sa programa ang “Sta. Cruz-Mangatarem Trail Expedition Motocross” na gaganapin sa huling araw ng buwang ito. Tatlong uri naman ng paligsahan ang nakahanay sa Agosto: ang “First Gov. Jun Ebdane 4X4 Offroad Challenge” sa Barangay Carael ng Botolan simula Agosto 20 hanggang 21; ang “Big Z Surfing Competition” at ang “Zamba Attack Skim and Skate Competition” na kapwa gaganapin sa Brgy. Pundaquit, San Antonio sa Agosto 19-21 din. Bagama’t ang dalawang huling events ay inorganisa ng LGU ng San Antonio, kasama ang mga grupo ng surfers at skimboarders, nagbigay ng all-out support ang gobernador sa mga ito sa pamamagitan ng sponsorship.

Sa udyok na rin ni Gob. Ebdane, magkakaroon ng buwanang boxing match sa capitol grounds simula Agosto hanggang Disyembre.  Ang kompetisyon ay bukas sa mga amateur boxers ng probinsya para limang weight categories.

Bagama’t hindi pa plantsado ang plano, nakahanay din ang “Epic Relay Marathon” sa Setyembre; Kayak race sa Oktubre; at Dragon Boat race sa Nobyembre.  Magtatapos ang taon sa isa na namang dalawang araw na “Kaligawan ha Mayanan” na kinatatampukan ng mga multi-sports activities at fun games.

Mapapansing ang mga nakahanay na activity ay pawang nasa mga buwan ng tag-ulan. Ito umano ang paraan ni Gob. Ebdane na makapagbigay suporta sa mga hanapbuhay sa industriya ng turismo na karamihan ay hindi kumikita sa mga ganitong panahon. Kaya’t sa programa ng gobernador, buhay at nanghihikayat ng mga turista ang lalawigan sa buong taon.

Magandang abangan ang motocross trail expedition sa July 30. Babagtasin ng mga kalahok ang bagong gawang kalsada na nagdurugtong sa Silangang bahagi ng lalawigan ng Pangasinan at Hilagang Zambales. Ang kalsadang ito, kasama ang Capas-Botolan highway, ay isa rin sa pet projects ng gobernador na naglalayong buksan ang kanyang lalawigan sa mga bisita buhat sa ibang probinsiya. Maaalalang iisa lang ang major road na bumabagtas sa buong lalawigan, kung kaya’t napakalayo nito kung lalakbayin mula Maynila. Sa pamamagitan ng mga bagong highway, mababawasan ng isa hanggang dalawang oras ang paglalakbay.

Nag-utos pa rin umano si Gob. Ebdane sa namamahala ng sports at tourism sa kapitolyo na pag-aralan kung paano palalaganapin ang mountaineering activities sa lalawigan.

At base na rin sa mga nakahanay na gaganapin, tila sports at adventure tourism ang tinutumbok ng gobernador. Ayon na din kay Gob. Ebdane, napakaraming potensyal ng lalawigan sa industriyang ito – kapwa maganda ang kabundukan at baybay-dagat na maaaring paunlarin para mapalago ang ekonomiya ng probinsya.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply