Susan Roces ikinagalak ang rebelasyon ni Bedol

IKINAGALAK ng pamilya ng beteranang aktres na si Susan Roces ang mga rebelasyon ni dating Commission on Elections (Comelec) election supervisor Lintang Bedol kaugnay sa umano’y dayaan noong 2004 national elections, kung saan tumakbo ang namayapang asawang si Fernando Poe Jr. sa pagka-Presidente.

Kasabay nito, hiniling ng pamilya Poe na dapat makasuhan at maparusahan ang mga taong responsable sa diumano’y pandaraya laban sa “King of Philippine Movies.”

Sa pahayag ni Roces, dapat umanong may managot sa katiwalian sa nasabing halalan.

Aniya, bagama’t namayapa na ang esposo, mahalaga pa rin na mapanagot ang mga taong responsable sa pagkatalo ni Poe.

Hihintayin na lamang umano nila ang magiging resulta ng mga imbestigasyon at mga aksyong gagawin ng administrasyong Aquino tungkol sa kuwestyonableng halalan noong 2004.

Hindi na raw mahalaga sa pamilya Poe kung magawaran pa ang namayapang aktor ng posthumous award bilang nagwaging Pangulo ng bansa noong 2004 kung sakaling mapatunayang tama ang mga alegasyon ni Bedol.

Ang mahalaga umano ngayon ay malaman ng milyun-milyong bumoto sa kanya na hindi nabale-wala ang mga botong ibinigay sa kanilang idolo.

Nagpapasalamat ang pamilya Poe sa mga lumalantad ngayon at nagpapatunay sa matagal na nilang ipinaglalaban na nagkaroon ng dayaan noong 2004 presidential elections.

Si Poe ang pinakamalakas na katunggali noon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na ngayon ay kongresista na ng ikalawang distrito ng Pampanga.

Samantala, ang rebelasyon ni Bedol ay kinumpirma rin ni dating Autonumous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Zaldy Ampatuan, na nag-alok ng sarili upang maging state witness laban sa kanyang ama at mga kapatid na akusado sa Maguindanao Massacre. Johnny F. Arasga

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply