Planong pagsasapribado ng Heart Center binatikos

INALMAHAN ng mga empleyado ng Philippine Heart Center (PHC) ang plano ng pamahalaang lokal ng Quezon City Government na ipasubasta ang nasabing ospital.

Ayon sa PHC Employees Association-Alliance of Health Workers (PHCEA-AHW), kapag naging pribadong ospital ito,  magsisilbi lamang ang pagamutan sa interes ng mga taong ang gusto lamang ay kumita.

“We cannot allow our institution, dedicated to serve cardiovascular patients, to fall into the hands of profiteering private sector,” ani Elmer Collong, pangulo ng PHCEA-AHW.

Dapat umanong tiyakin ng gobyerno na manatiling public service-oriented ang PHC bilang bahagi ng maayos na pamamahala at mahusay na pagseserbisyong panlipunan.

May plano ang pamahalaang lungsod na ipasubasta o i-auction ang PHC bunsod ng lomolobong utang nito sa buwis na nagkakahalaga ng P46 milyon.

Kasabay nito ay tinuligsa rin ng grupo ang ikinasa ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na pagtapyas  sa budget ng maintenance sa karamihan ng pampublikong ospital sa bansa, kabilang ang PHC.

Tinapyasan ni Pangulong Aquino ang budget nito ng 77 porsiyento. Partikular na binawasan ay ang halaga para sa maintenance and other operating expenses (MOOE) ng karamihan ng mga pampublikong ospital.

Ang PHC ang may pinakamalaking kaltas mula sa P531 milyon noong nakaraang taon na naging P122 milyon na lamang ngayong taong kasalukuyan.

Nagpahayag din ng pagkadismaya ang mga kawani ng PHC sa nakaraan at kasalukuyang administrasyon ng pagamutan na nagpabaya sa kanilang responsibilidad kaya’t nagkaroon milyun-milyong-pisong utang ang ospital.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply