Tax ng Smart Com hamon kay Ombudsman

ISANG malaking hamon ngayon sa pamunuan ng bagong Ombudsman na si dating Supreme Court Justice Conchita Carpio Morales ang isyu na maituturing na ‘economic sabotage” sa lungsod ng Maynila. Kaugnay ito ng ordinansa ng City Council na aprubado rin at nilagdaan ng Secretary to the Mayor at City Legal Officer na nagbibigay ng exemption sa franchise at real property taxes sa mahabang panahon ang dambuhalang kompanya ng Smart Communications ni Mr. Manny Pangilinan.

Dapat bigyan ng masusing pansin at imbestigasyon ni Ombudsman Morales ang mga kasong “Grave Abuse of Authority, Ignorance of the Law, Dishonesty & Grave Misconduct, Violation of RA 6713, RA 3019 at Violation of their OATH OF Office” na isinampa ni dating Mayor Lito Atienza laban kina Mayor Alfredo Lim, Vice Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, Secretary Rafaelito Garayblas, Atty. Dela Cruz at 33 City Councilors, dahil sa City Ordinance 8229 na pinamagatang: “AN ORDINANCE EXEMPTING SMART COMMUNICATIONS INCORPORATED FROM PAYMENT OF REAL PROPERTY TAXES ON ALL MACHINERY/EQUIPMENT AND LOCAL FRANCHISE TAX.”

Ang ordinansang ito ay magiging daan para malugi ang lungsod ng Maynila dahil milyun-milyong piso kada buwan ang nawawala sa kaban nito na dapat sana ay ibinabayad ng Smart Com.

Sana’y makita ni Ombudsman Morales kung ano ang tunay na motibo at dahilan ng nasabing ordinansa upang gawing libre ang milyones na buwis na dapat bayaran ng Smart Com sa Maynila.

Hindi kaila na ang SMART ay may kakayahan at kapasidad na magbayad ng buwis sa lahat ng lokal na pamahalaan. Nakatala ang kompanyang ito ni Mr. Pangilinan bilang pampito sa Top One Thousand Corporations sa Pilipinas ngayong 2011 na ipinalabas ng pahayagang Businessworld.

Kaya’t laking pagtataka ng sinomang Manilenyo kung bakit pumayag ang City Council at iba pang mga opisyal sa kagustuhan ng nasabing kompanya na makalusot sa taunang bayaran ng buwis sa lungsod Maynila?

Sa kainitan ng isyu ngayon ng “Tuwid na Daan” ni PNoy ukol sa mga korapsyon at katiwalian sa gobyerno, isang hamon ngayon sa prinsipyo at kakayahan ni Ombudsman Carpio-Morales kung paano niya dedesisyunan ang kasong ito na ngayo’y nasa tanggapan na niya. (Itutuloy)

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply