Traffic re-routing sa SONA inilabas ng NCRPO

INILABAS na ngayon ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang “traffic re-routing plan” upang gabayan ang mga motorista sa inaasahang pagsisikip ng trapiko sa ikalawang state of the nation address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III sa Batasan Complex sa Quezon City sa Lunes.

Sa mga bumibiyahe pa-northbound mula Philcoa hanggang Commonwealth Avenue, mag-uumpisa ang re-routing sa u-turn slot sa tapat ng Metro Disco kung saan gagamitin ang apat na lane sa southbound para sa mga motorista patungo sa norte (Fairview). Aabot ang counterflow ng 1.4 kilometro hanggang sa makarating sa u-turn slot sa may San Simon at babalik sa normal ang daloy ng trapiko sa walong lane ng northbound.

Mula u-turn slot sa harap ng Metro Disco, dadaan dito ang mga bisita na may Code 1 at iba pang may VIP passes hanggang sa u-turn slot sa tapat ng St. Peter Church at diretso sa IBP Road hanggang sa makarating sa Kongreso.

Sa mga bumibiyahe ng southbound sa Commonwealth Avenue, mag-uumpisa ang re-routing sa San Simon u-turn slot hanggang Metro Disco u-turn slot kung saan gagamitin ng mga Code 1 at VIP ang apat na lane ng kalsada patungo sa Fairview.

Kung magkakaroon naman ng kaguluhan sa kilos-protesta, maaaring gamitin ng mga motorista tungo sa norte at timog ang Edsa-Congressional Avenue, kakaliwa  sa Mindanao Avenue, kanan sa Sauyo Road, kaliwa sa Chestnut, kakanan sa Dahlia Street at kakaliwa sa Regalado Avenue Extension hanggang sa makarating ng Commonwealth Avenue.

Pinaalala rin ng NCRPO na isasara sa motorista ang buong kahabaan ng Commonwealth Avenue mula Quezon Memorial Avenue hanggang Fairviw Center Mall kung saan tatanggalin ang lahat ng nakaparadang sasakyan at iba pang obstruksyon dakong 12:00 ng hatinggabi ng Hulyo 25. Matapos nito, ilalatag na ang mga container vans at concrete barriers na bahagi ng ipatutupad na seguridad.

Opisyal na mag-uumpisa ang re-routing dakong 5:00 ng madaling araw. Ika-6 ng umaga, gagawing “one-way traffic” ang IBP Road na gagamitin ng mga delegasyon ng SONA sa Kongreso.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply