TRO ni Echiverri mula sa CA magkano?

USAP-USAPAN ng mga katoto natin sa Caloocan City nitong mga nakaraang araw ang ipinalabas na temporary restraining order ng Court of Appeals na nagpahinto sa suspensyong iginawad ng Office of the Ombudsman laban kay Mayor Enrico “Re-com” Echiverri na sinampahan ng kaso sa nasabing tanggapan ng kanyang bise-alkalde at ka-tandem sa pulitika na si Edgar Erice.

Pagdidiin ni Erice sa inihaing kaso, hindi raw nagbabayad si Echiverri – bilang ama ng lungsod – ng buwanang premiums o kontribusyon sa Government Service Insurance System (GSIS) para sa mga daan-daang miyembrong empleyado ng nasabing lokal na pamahalaan.

Depensa naman ni Recom, nagbabayad sila at wala silang utang sa GSIS.

Nagpatunay pa rito ang chairman ng GSIS na si Daniel Lacson Jr. na nagsabing totoo ang ipinaliliwanag ni Echiverri sa kanyang mga constituent.

Problema lang ay wala namang ipinakitang dokumento si Lacson para suportahan ang pagdedepensa niya kay Echiverri.

Balik tayo sa TRO ni Mayor Recom.

Malimit banatan ng isang beteranong kolumnista ang ilan sa mga mahistrado ng CA na aniya’y talamak sa pagkakorap.

Marami aniyang petisyon na idinudulog sa CA – lalo pa’t may kinalaman sa suspension order ng Ombudsman laban sa isang opisyal gobyerno – ang nabibigyan ng pabor kapalit diumano ng pera.

Ang bagay na ito ngayon ang tampok ng usapan ng mga usisero sa Caloocan City. Totoo kaya ang kuwentuhan nila na nagdala ang kampo ni Echiverri ng P10 milyon sa CA para makakuha ng pabor na desisyon sa apela nito kontra sa suspension order ng Ombudsman’s office?

Ilang araw lang daw ang lumipas ay kataka-takang nakakuha kaagad ng TRO mula CA ang kampo ni Echiverri.

At mukhang wala na raw pagdinig na ginanap sa nasabing apela ni Mayor Recom. Ibig nilang sabihin, kasado na ang lahat bago pa man nakapasok sa pintuan ng CA ang dokumento ng apela ni Echiverri?

Abangan natin ang paliwanag ng mga PR ni Mayor Recom!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply