Unahin ang kahirapan at gutom bago ang korapsyon

TAG-ULAN, tag-bagyo. Ito ang panahon na damang-dama ng marami ang kahirapan at gutom.

Sa mga kanayunan, ito ang panahon na mahal ang bigas at iba pang mga bilihin at pagtigil ng maraming hanapbuhay.

Panahon ngayon ng mga pamumuhunan sa mga bukirin ngunit walang katiyakan. Sapagkat muli’t muli ay sinisira ng mga bagyo, baha at pagguho ng mga lupa ang mga pananim.

Lumulubog sa utang ang mga magsasaka at inaagaw nito maging ang para sa pagkain, gamot, edukasyon, paggawa ng mga nasisirang tahanan at iba pa.

Hindi naman basta makapalaot ang mga mangingisda sa sungit ng mga karagatan.

Sa mga kabayanan, nagiging matumal naman ang paninindahan sa mahal ng mga bilihin at kakapusan ng mamamayan sa panggastos.

Maging sa mga lungsod, damang-dama rin ang tumal ng mga negosyo lalo na sa parte ng mga maliliit na nabubuhay rito. Di naman makagulapay sa kagipitan ang milyong obrero na wala pa sa kalahati ng poverty line na P800 ang arawang kita, at lalong pinalala ang kanilang kalagayan sa lulubog-lilitaw na hanapbuhay dahil sa kontraktuwalisasyon.

Maging ang libu-libong empleyado ng pamahalaan na nabubuhay sa sahod na P4,000-P5,000 kada buwan ay labis ding nagigipit, kabilang na ang mga kinder titser na P3,000 lang ang sahod sa loob ng isang buwan.

Sa gitna ng lahat ng ito, walang higit na naririnig mula sa bibig ng mga onorabol kundi ang siraan at awayan ukol sa kanilang mga nakaw na yaman.

Nagiging bingi sila sa malakas na pagkalam ng sikmura ni Juan at paghingi nito ng saklolo.

Paano kaya kung unahin nilang tugunan ang kahirapan at kagutuman bago sila mag-away-away sa korapsyon?

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply