Underpass project ng DPWH pinahihinto ng MMDA

SA PAGBAHA na sinapit ng intersection ng Araneta Ave. at Quezon Ave. dulot ng bagyong Falcon, pinarerebisa  ng Metro Manila Development Authority ang nagsimula nang konstruksyon ng Department of Public Works and Highways na four-lane underpass sa nabanggit na intersection.

Sumulat si MMDA chairman Francis Tolentino kay DPWH Secretary Rogelio Singson na pag-isipang muli kung itutuloy ang proyekto dahil sa malalang baha na naranasan kamakailan.

Tinanong umano ni Tolentino kay Singson kung posible na flyover na lamang ang itayo kaysa underpass, subalit hindi pa rin sumasagot ang kalihim ng DPWH.

Gayundin umano ang pangamba ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa proyekto sa dahilang ang lugar ng Araneta at Talayan ay nakalista sa mapa ng MMDA bilang flood-prone priority area.

Ayon naman sa tagapagsalita  at asst. general manager ng MMDA na si Tina Velasco, siniguro na umano ng DPWH ang ibat-ibang hakbang upang masolusyunan ang problema sa baha, kabilang na ang paglalagay ng mga submersible pumps.

At isa umano sa mga dahilan sa pagtutuloy ng proyekto ay ang planong pagtatayo ng MRT 4 project sa lugar at base sa pag-aanalisa ng DPWH mas magastos ang pagtatayo ng ikatlong palapag na highway sa ibabaw ng daraanan ng MRT4.

Humirit naman ang MMDA chairman na bakit umano nagawa ang mga flyover sa Ortigas area kahit naroon ang MRT 3 at umapela kay Singson na ikonsidera ang kanyang mga argumento hinggil sa ginagawang underpass ng DPWH. Ben Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply