Uriarte babalatan pa sa PCSO fund scam

HINDI na papayag pa ang Senate Blue Ribbon Committee na magsawalang-kibo at gamitin ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Rosario Uriarte ang kanyang karapatan sa pananahimik at rights against self-incrimination sa anomalya sa ahensiya.

Tiniyak ito ng isang senador na ayaw munang magpakilala dahil may malalakas na ebidensiya ang komite na ihaharap ngayon sa pagdinig hinggil sa PCSO fund scam na magdidikdik sa paglulustay ng intelligence funds ng nakaraang administrasyon.

Ayon sa pro-administration solon, hawak na ng komite ang ilang malalaking ebidensiya na tunay at makatotohanan na mag-uugnay sa paglulustay ng pondo ni Uriarte kay dating Pangulo, ngayon Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.

“Ilalantad na natin ang mga ebidensiya,” giit ng ayaw na magpakilalang senador.

Muling bubuksan ng Senate Blue Ribbon committee sa pamumuno ni Sen. Teofisto Guingona III ang pagdinig sa PCSO fund scam bukas,  Lunes, alas diyes ng umaga.

Kaugnay nito, inihayag naman ni Senate minority leader Alan Peter Cayetano na masyado pang maagad upang iginiit ng Obispo ang paghingi ng tawad ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) chairman Margarita Juico sanhi ng pagbansag sa kanila bilang “Pajero Bishop.”

Ayon kay Cayetano, kailangang hayaan munang matapos ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa maling paggamit ng pondo ng PCSO bago humirit kung may dapat bang magsori sa usapin.

“Pabayaan muna nating matapos lahat ito at kung mayroon collateral damage o tinatamaan, hindi sadya yun,”ani Cayetano.

Nauna rito, nanawagan ang ilang Obispo na mag-apologize si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III at Juico matapos ang pagbansag na “Pajero Bishops” sa mga obispong tumanggap ng sasakyan mula sa PCSO.

Matatandaang isinauli na ng pitong Obispo ang walong sasakyan na kanilang nabili mula sa pondong ibinigay ng PCSO.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply