Vendors palabigasan ng Manila city hall at pulis

UMAANGAL na ang mga vendor  sa grupo ng Mayor’s Complaint  and Action Team o MCAT at sa Manila City Hall  dahil sa sobrang  lupit  sa pangongotong sa kanila.

Biruin niyo namang araw-raw  kung magpasingil ng lagay sa mga vendor itong enkargado ni Ex-police Colonel Franklin Gacutan na si Rey “Baba.”

Araw-araw ay nagpapasingil ng halagang P50.00 ang  tanggapan ng MCAT at P40 naman ang Manila City Hall, iisa lang ang kampo ng dalawang grupong ito pero magkaiba sila ng singilan.

Ang  masaklap  pa  nito bandang alas-4:00 ng hapon ay tinataboy na ng grupo nitong si “Baba”  ang mga vendor na nasa  kahabaan ng riles ng tren sa may Claro M. Recto, sa Divisoria  kung kailan kasagsagan ng bilihan.

Paano pa mababawi ng mga vendor ang P90 na kinolekta ng mga tauhan ni Baba kung ganito kaaga sila ipagtabuyan?

Reklamo nga ng vendors, paano pa raw sila kikita kung sa  pagkakataong sila ay makabebenta ay doon naman sila  ipinagtatabuyan ng mga taong nakikinabang naman sa kanila. At kapag minalas-malas ay kukumpiskahin pa ng mga alalay  nitong si Rey Baba ang kanilang mga tarima (ito yung lagayan ng paninda) at susunugin pa gayong may puhunan din sa pagpapagawa ng mga ito.

Kawawang mga vendor, ginagawang palabigasan ng Manila City Hall at ng Manila Police District (MPD), asan na Mayor Alfredo Lim ang sinasabi ninyong “tuwid na daan?”

Hindi ba kayo marunong maawa sa mga vendor na maghapong nakabilad sa init at hindi alintana ng mga ito kung mabasa man sila sa ulan at ang importante ay kumita sila ng marangal para sa kanilang pamilya?

Bakit hindi mga holdupper at snatcher ang pagtuunan ninyo sa halip na mga vendor? Dahil ba sa wala kayong makukuhang pera sa mga ito?

Tinutukahan din daw nitong si Rey Baba ang vendors kapag  may  kompromiso  ito sa kanyang “boss” tulad ng panghanda o lechon. Kawawa at dapang-dapa na ang vendors dahil sa utang na 5/6 na puhunan ay tinatapakan pa at tinitiris ng mga ganid na tulad nitong si Rey Baba.

Sa dami ng vendor sa Divisoria ay mayaman na itong si Baba at ang kanyang among Colonel na bayaw naman ng ating magiting na alkalde ng Lungsod ng Maynila.

Mga Sir, tama na, awat na, baka di niyo na  madala sa pupuntahan ninyo yang perang pinaghirapan ng mga vendor.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply