VIP!?

HINDI maiaalis na mag-isip ang marami na may nangyayaring aregluhan sa pagitan ng gobyerno at kay Zaldy Ampatuan at Lintang Bedol dahil pinakikinggan sila ng mga tao ni Pangulong Aquino.

Mahirap paniwalaan na hindi nag-usap ang pamilya Ampatuan para mag-alok ng deal sa gobyerno ni Aquino.

Basta madiin lang si Gng. Arroyo kahit ang Ampatuan ang magsalita pakikinggan at paniniwalaan ng tropa ni PNoy.

Delikado ang tinatahak na ito ng administrasyong Aquino.

Kapag nakalusot sa masalimuot na ligal na proseso at maisailalim halimbawa sa Witness Protection Program si Zaldy Ampatuan, pwede na siyang humiling ng house arrest na lang na guwardyado pa ng tropa ng gobyerno.

Hindi na siya mailalagay sa tunay na kulungan at hindi na mapapanagot sakaling mapatunayan na malaki ang kanyang partisipasyon sa Maguindanao massacre.

Ngayon pa lang ay tila nalilimutan na ang tunay na rason kung bakit nakakulong si Zaldy dahil ang pinag-uusapan na ngayon ay ang kondisyon daw nito na hindi na siya tatakbo sa darating na eleksyon.

Nahahalata na tuloy ang galaw ng pulitika sa isyung ito.

Dahil kung walang pulitika at walang nangyayaring negosasyon bakit lumalabas sa bibig nila ang isyu ng eleksyon.

Parang ipinapamukha na hindi natatalo sa anomang eleksyon sa Mindanao ang isang Ampatuan at ang garantiya lang na hindi na babalik sa pwesto si Zaldy ay kung mangangako ito na hindi tatakbo.

Kaya ang naglalaro sa isip ng mga tao, drama lang ang lahat ng ito at may kapalit na hiningi si Zaldy sa pamahalaan para sa alok niya na ibunyag ang lahat ng kanyang alam na may kinalaman sa halalan.

Kaya maiintindihan natin kung bakit balisa ang mga pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre.

Pinakikinggan kasi ng gobyerno si Zaldy na binansagan na VIP (very important prisoner).

Wala namang sasabihin si Zaldy at si Lintang na hindi pa natin alam, walang bago.

Kung hindi mapananagot si Zaldy Ampatuan at si Lintang Bedol hindi malayong maulit pa ang karumaldumal na massacre gaya ng nangyari sa Maguindanao at ang karumaldumal na dayaan sa halalan kung saan isang bihasang operator si Lintang Bedol.

Mag text po kayo sa akin sa 09209280847 o mag-email sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon sa isyung ito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply