VP Binay kailangan bilang DDB chairman

NANINIWALA ang Dangerous Drugs Board (DDB) na dapat i-appoint ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III si Vice President Jejomar Binay bilang chairman nito upang tugunan ang problema ng ahensiya sa palagiang kawalan ng quorum na sanhi ng pagkakansela ng scheduled meetings nito.

Sa ilalim ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, obligado ang Board na magpulong isang beses sa isang linggo.

Ang kakulangan ng mga pagpupulong ay nagiging resulta sa pagkaantala ng implementasyon ng mga programang sinimulan ni dating DDB chairman Sen. Vicente Sotto III.

Ayon kay Atty. Paul Clarence Oaminal, dating vice chairman at undersecretary ng DDB noong panahon ni Sotto, ni minsan ay hindi naging problema ang pagkakaroon ng quorum.

Sa kasalukuyang DDB board chairman Sec. Antonio Villar ng nabuwag na Presidential Anti Smuggling Group ni dating Pangulong Gloria Arroyo, madalas ang reklamo sa mga pagliban ng cabinet secretaries o mga kinatawan na miyembro ng board.

Para kay Oaminal, maituturing na isang malaking hamon sa chairman na tiyakin ang mga pagdalo ng mga miyembro nito sa mga pagpupulong.

“The obvious reason is that DDB being a collegial body, the presiding officer has the same rank with the members. Sotto has no problem then as he has persuasive and authoritative command over the other members being a former senator,” diin ni Oaminal.

Matutugunan lamang aniya ang problemang ito sa pamamamgitan ng pag-appoint ng isang indibiduwal na nasa mas mataas na posisyon at ito ay ang Bise Presidente.

“I believe there is no legal impediment for the appointment of a Vice President in its concurrent capacity as Chairman of the DDB,” diin pa Oaminal, may-akda ng textbook, Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, tanging aklat na kinilala ng Supreme Court sa larangan ng mga kaso ng droga.

Tinukoy pa ng dating DDB vice chairman na isa sa mga programang naaantala dahil sa kawalan ng quorum ay ang pagpapalawig ng Alternative Development Program ng mga dating magsasaka ng marijuana sa Cebu.  Ang iba pang programa ay ang ayuda na ibinibigay sa rehabilitation centers sa mga lalawigan.

Sinabi pa nito na dapat pangunahan ng Board ang paggabay sa bansa tungo sa minimithing Drug Free Philippines.

Malinaw aniya na patuloy na nagpaplano kada minute ang mga sindikato ng droga ng mga paraan kung paano nila maipagpapatuloy ang talamak na bentahan ng droga.

Ang katanungan aniya ngayon ay kung ang ating gobyerno ay kasing agresibo kagaya ng ating mga kaaway sa droga.  Linda Bohol

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply