Walang ambulansiya? Patay kang maysakit ka!

HETO ang karaniwang usapan sa mga mahihirap na bayan sa repablik ni Juan ukol sa mga maysakit at ambulansiya.

“Misis, ilipat na lang po ninyo si mister sa regional hospital o kaya sa Maynila,” magalang ang doktor.

“Mayroon po ba kayong ambulansiya?” tanong ni misis.

“Wala po. Manghihiram po tayo kung meron sa mga pribadong ospital.”

Tawag…tawag…tililing …tililing. Sa wakas…may nakokontak na may ambulansiya.

Kaya lang bisi, may mga pasyenteng iba.

Sa municipal health office kaya? “Ay, wala pong ambulansiya ang munisipyo. Sa 10 bayan sa distrito, iisa o dadalawa lang ang may ambulansiya. Lagi ring may mga itinatakbo. At kung Sabado at Linggo, walang drayber…Day off.”

“Dok…dok…doooook! Mamamatay na yata ang mister ko! “Dok…hindi na po siya humihinga… uho-hu-hu-hu!”

oOo

Ganito, Suki, ang tunay na drama sa mga maysakit na mahihirap sa mga mahihirap na bayan.

Hindi naitatakbo sa tamang ospital sa tamang oras ang mga maysakit o biktima ng mga krimen na nasa kritikal na kalagayan. Hanggang sila’y namamatay na lamang.

Ngayon ay pinag-aawayan ang mga ambulansiya at gastos sa ospital at gamot na ipinamamahagi ng Philippine Charity Sweepstakes Office.

Ang gusto ng PCSO, 40% ng P1M ambulansiya ang ibibigay ng munisipyo o barangay o kapitolyo ng lalawigan, kahit mahirap ang mga ito. Puro iligal at katiwalian ang tingin nito sa pagkakaroon ng ambulansiya nang walang 40% bayad.

oOo

Kung patirahin kaya natin para kapitan ng dengue ang mga taga-PCSO sa mga lugar na traysikel at kalabaw lang ang mabilis na ambulansiya, okey ba sa kanila?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply