Weather poor-cast

ANG isang matibay na batayan kung tunay na maunlad ang isang bansa at mahusay ang mga namumuno rito ay ang kahandaan nito sa panahon ng mga kalamidad tulad ng malalakas na bagyo at lindol.

At isa sa mga klasikong halimbawa nito ay nang salantahin ng 8.9 magnitude earthquake  na sinundan pa ng dambuhalang tsunami na pumatay ng mahigit 20,000 katao ang Japan noong Marso 11 nang taong ito.

Tila hindi pa sapat ang parusang iyon, nadagdagan pa ang problema ng mga Hapones nang sumabog pa ang nuclear reactor nila sa Fukushima na nagdulot din ng ibayong pangamba sa maraming mamamayan doon.

Subalit sa kabila ng lahat ng ito ay nasaksihan ng buong daigdig kung paano ipinakita ng mga mamamayan ng bansang Japan, ang kanilang kakaibang disiplina at katatagan na harapin ng buong hinahon ang lahat ng mga pagsubok na dumating sa kanila.

Hindi ko tuloy maiwasang maikumpara ang ating bansa sa ibang nasyon gaya nang Japan pagdating sa mga panahong dumarating ang natural calamities.

Maliwanag na marami pa tayong kakaining bigas bago natin marating ang status ng ibang mga bansa pagdating sa kahandaan sa panahon ng kalamidad.

Gaya na lang halimbawa nitong katatapos na bagyong Juaning na base sa huling ulat ay kumitil na ng buhay ng mahigit 40 katao, kabilang na rito ang nanay ni Albay Gov. Joey Salceda.

Huwag na nating banggitin kung ilang milyon din ang halaga ng pinsala na idinulot ng bagyo sa ating kabuhayan at mga pananim.

Kung pag-iisipang mabuti ay mukhang sabit ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa mga nangyaring ito.

Lumalabas kasi na sablay, huli na at mali-mali ang mga ibinibigay na weather forecast ng ahensiya kung kaya at maraming mga lugar ang hindi nakapaghanda lalo na sa Bicol region kabilang na ang probinsya ng Albay.

Kapansin-pansin din na sa hangad ng mga taga Pag-asa na makakuha ng maximum media mileage ay mahilig silang mag focus ng forecast nila para sa Metro Manila.

Pero lumalabas na sa dalawang magkasunod na bagyo na dumating at sinabi nila na tatamaan ang Kamaynilaan ay parehas na sumablay sila at sa halip iyong mga hindi nila isinama sa forecast ang siyang nasapol na nagresulta sa mga pinsala sa mga ari-arian at pagkamatay ng mga tao.

Teka nga muna, di ba sinibak dati ni Pangulong Noynoy si Frisco Nilo dahil sa sablay na weather forecast?

Ano kaya ang gagawin niya ngayon sa mga bagong bossing diyan sa PAGASA?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply