Wheeler, dealers sa DOTC

UNA sa lahat ay binabati natin si dating Senador Manuel Roxas II na pormal nang umupo bilang bagong kalihim ng Department of Transportation and Communications (DOTC) noong nakaraang Lunes.

Bilang bihasa na rin sa panunungkulan sa pamahalaan ay inaasahan natin na magagamit niya ang kanyang mahabang karanasan upang maging maayos ang pagpapatakbo niya sa departamento.

Gusto lang natin bigyan ng babala si Secretary Mar na mag-ingat siya sa mga taong  gumagala riyan na kung tawagin ay players at operators.

Naglipana kasi ang wheelers and dealers diyan sa DOTC na walang nasa isip kundi puro projects at kontrata na pagkakakitaan nila.

Ayon sa aking mga impormante ay napaikot ng wheelers and dealers na ito maging si dating Secretary Ping de Jesus.

Dahil sa galing ng mga taong iyan ay napapayag nila si Secretary Ping na pumasok sa ilang questionable deals at contracts na taliwas naman sa nais mangyari ni Pangulong Noynoy.

Ang isang klasikong halimbawa nang sablay na desisyon ni Ping ay nang pumayag umano ito na mag-release ng pera sa isang kompanya na bukod sa may hindi magandang background ay kaduda-duda rin ang pagkakapanalo sa bidding para sa installation ng air traffic system sa pambansang paliparan.

Maliban pa riyan ay napapayag din siya na i-release na sa Quiambao group, ang perang hinihinging kabayaran ng Stradcom para sa mga serbisyong ginagawa nito sa Land Transportation Office (LTO).

Pansamantala kasing inihinto ni LTO Chief Virginia P. Torres ang pagbabayad dahil sa nangyayaring intra-corporate dispute sa pagitan ng grupo nina Quiambao at Sumbilla.

Humingi na rin si Torres ng tulong sa korte sa pamamagitan ng pagpa-file ng inter pleader case upang resolbahin ang sigalot at malaman na niya kung sino ba talaga ang tunay na may–ari ng kompanya.

Pero dahil nga sa mga sulsol ay hindi na hinintay ni Sec. Ping ang magiging hatol ng hukuman at nagbaba siya ng memorandum na nag-aatas na bayaran na agad  ang grupo nina Quiambao.

Sa huli ay napatunayan na tama ang ginawa ni Assec. Torres dahil iniutos din ng Quezon City Regional Trial Court Branch 222 na ilagak muna sa korte ang pera hanggang hindi pa nariresolba ang kontrobersya.

Kaya nga ngayon pa lang ay pinapayuhan na natin si Secretary Mar na maging maingat siya dahil maraming bitag at land mines ang nagkalat diyan sa DOTC.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply