Zaldy Ampatuan desperado na

TINAWAG na desperado ni dating Justice Secretary Raul Gonzalez si Zaldy Ampatuan matapos ang pahayag nitong tetestigo siya laban sa kaniyang pamilya kaugnay sa kaso ng Maguindanao Massacre.

Sa panayam sinabi ng dating kalihim na bahagi na ng “desperation” at taktika lang ito ni Zaldy Ampatuan para makalusot sa pagkakasangkot niya sa krimen.

“Gonzalez says Zaldy Ampatuan’s reported plan to turn ‘state witness’ a desperate move, not plausible, ploy to break ‘conspiracy’ charge,” wika ni Gonzalez.

Sinabi pa ni Gonzalez, kung nasa posisyon pa siya sa Department of Justice (DOJ), hindi uubra sa kaniya ang hirit na maging state witness ni Ampatuan dahil kailangang mapatunayang siya ang “least guilty” sa kaso para maging kwalipikado.

Aminado naman si Gonzalez na may depensa si Zaldy Ampatuan dahil totoong nasa Malakanyang nga ito nung maganap ang pagpaslang sa maraming miyembro ng media at iba pang kasama sa convoy noon para sa paghahain ng Certificate of Candidacy ni Gov. Toto Mangudadatu.

Sinabi ni Gonzalez, nakita niya mismo noon si Zaldy sa Malakanyang. Pero aniya, ibang usapan ang sabwatan at hindi aniya kailangan na nasa pinangyarihan ng krimen ang isang tao upang madiin sa krimen.

“Pwedeng may depensa si Zaldy dahil nakita ko siya talaga inside Malacañang at that time, perfect alibi niya na wala siya sa Maguindanao during the commission of the crime, so may alibi siya, but if there was conspiracy and that is now the accusation ng entire Ampatuan family, therefore the guilt of one is the guilt of all,” ayon kay Gonzalez.

Samantala, duda din si Maguindanao Governor Esmael “Toto” Mangudadatu sa pahayag ni Ampatuan. Aniya, taktika lang ito para makalabas ng kulungan si Zaldy.

Sa hiwalay na panayam sinabi ng gobernador na kung tatanggapin bilang testigo si Zaldy tiyak na sunod na hihirit ang ama at kapatid nito.

Ayon kay Mangudadatu, hindi nila kailangan ang pagtestigo ni Zaldy dahil matitibay naman ang pahayag ng kanilang mga kasalukuyang witness sa kaso. Nagtataka din si Mangudadatu kung bakit sobrang huli na bago pa man makunsensya si Zaldy Ampatuan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply