Zaldy Ampatuan nag-overnight sa ospital

NAGPALIPAS ng magdamag si Maguindanao massacre suspect Rizaldy “Zaldy “Ampatuan sa Philippine Heart Center dahil sa hindi magandang kondisyon ng kanyang puso.

Ayon sa direktor ng nabanggit na ospital na si Dr. Manuel Chuachiaco, kailangan umanong tumigil sa PHC si Ampatuan upang sumailalim sa angiogram ngayong Huwebes, Hulyo 21, upang masuri ang daloy ng dugo nito sa kanyang puso.

Nagbabala umano ang mga doktor na maaaring atakehin sa puso ang suspendidong ARMM governor kung hindi sasailalim sa mga karagdagang pagsusuri kung saan matutukoy kung kailangang sumailalim ito sa angioplasty  ngayong araw na ito.

Nauna ng pinayagan ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221 judge Jocelyn Solis-Reyes na magpatingin si Ampatuan sa isang ospital matapos magreklamo ito ng paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga subalit ang kautusan ni Reyes ay nagsasaad na hindi maaaring mag-overnight si Ampatuan sa ospital.

Pinayagan na rin itong mag-overnight matapos malaman ang rekomendasyon ng mga doktor ng Heart Center.

Kokontrahin naman ng abogado ng mga biktima ng Maguindanao Massacre na si Atty. Harry Roque ang pagtigil ng akusadong si Ampatuan sa PHC ng higit pa sa pinayagang panahon ng korte.

Matatandaang ginamit din ng matandang Ampatuan ang ganitong proseso ng pagpapa-ospital upang makalabas ng bilangguan at manatili sa ospital ng mahabang panahon.

Itinanggi naman ng Malakanyang na mayroon silang kamay o kinalaman sa pagpayag ng korte na ma-ospital si Ampatuan. Itinanggi rin ng Palasyo na may niluluto silang kasunduan sa mga Ampatuan upang madiin ang mga dating namumuno sa Palasyo na siyang nag-utos ng malawakang dayaan noong 2004 election sa Maguindanao. Ben Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply