Zaldy dapat nang ibalik sa piitan– De Lima

NANININDIGAN si Justice Secretary Leila de Lima na dapat ibalik agad sa kulungan si dating Autonumous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Gov. Zaldy Ampatuan, matapos ang kanyang check up sa Philippine Heart Center (PHC), dahil sa umano’y heart failure nito.

Sinabi ni De Lima na sa kanyang pagkakaalam ay nagsumite na kamakalawa ng gabi ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng kanilang oposisyon para tutulan ang pananatili ni Ampatuan sa nasabing ospital.

Nakausap din daw niya kaninang umaga si Interior Secretary Jesse Robredo at sinabing nais din nito na agad maibalik si Ampatuan sa selda nito sa Camp Crame, pero dapat aniyang linawin muna ito sa korte.

Bineberipika na rin ni De Lima kung pribadong doktor ba o pampublikong manggagamot si Dr. Kuison na siyang nagbigay ng sertipikasyon na dapat manatili sa ospital ang dating gobernador.

Nais din ng prosekusyon sa Maguindanao Massacre case na linawin ng korte ang kahulugan ng pagiging out patient.

Iyan ay sa harap na rin ng patuloy na pananatili ni Ampatuan sa PHC bagamat pinayagan lamang siya ng korte na masuri ng mga doktor bilang out patient.

Ayon kay De Lima, iginigiit ng hanay ng prosekusyon na mabigyang linaw ng korte ang depinisyon ng out patient bagamat sa sarili umano niyang pagkakaunawa, kapag out patient ay kinakailangan ding maibalik ng ospital matapos masuri.

Sinabi pa ni De Lima na bineberipika na rin nila kung ang doktor na nagrekomenda kay Zaldy na sumailalim sa serye ng mga pagsusuri ay mula sa pribadong sektor o doktor ng gobyerno.

Isa raw kasi sa tinukoy na argumento ng prosekusyon sa inihain nilang oposisyon sa korte kaugnay ng pananatili ni Zaldy sa ospital ay nararapat na government doctor ang mag-isyu ng sertipikasyon kaugnay ng lagay ng kalusugan ng dating gobernador.

Tinukoy din na argumento ng prosekusyon ang hindi pa pagsalang ni Zaldy sa arraignment at pagiging flight risk nito.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply