Zero vendor pinaigting pa sa Maynila

PINAIIGTING ngayon ang kampanya laban sa mga ambulant vendor sa Maynila sa pamamagitan ng “zero vendor” campaign.

Ito ang mahigpit na ipinag-utos ni Manila Mayor Alfredo Lim dahil na rin sa mga reklamong natatanggap nito hinggil sa nagkalat na vendor sa lahat ng panig ng Maynila na kadalasan ay nagiging sanhi ng abala sa kalsada.

Kaugnay nito, inatasan ng alkalde ang kanyang chief of staff at media bureau chief Ric de Guzman na patutukan sa mga station commander ng Manila Police District (MPD) ang mga vendor sa Maynila.

Sinabi ng alkalde na nakatanggap ito ng isang liham mula sa isang balikbayan na taga-Sta. Ana, Maynila kung saan inirereklamo nito ang mga ambulant vendor na kahit saan panig ng Maynila magpunta ay naglipana na dahilan ng madalas na pagsisikip ng trapiko at obstruction na rin sa kalsada.

“Hindi na puwede yang permanent structure, yong iba ginagawa na nilang tulugan, lutuan at labahan, alam ko naman ang nararamdaman nila, mas mahirap pa diyan ang pinagdaanan ko, pero dapat ilagay sa ayos puwede siguro kung palipat-lipat na lang sila para mailako ang kanilang mga paninda,” ayon kay Lim.

Gayunman, sinabi ng alkalde sa mga station commander na huwag kukumpiskahin ang mga paninda ng mga vendor at pagkatapos ay paghahati-hatian.

“Resibuhan ninyo sila, pagdating ng mga ala-sais ng gabi, ibalik na ninyo, danga’t kasi may mga puhunan din ang mga iyan,” ayon kay Lim.

Dagdag pa ng alkalde na dapat pakiusapan lamang ng mga pulis ang mga vendor upang makaiwas sa anumang karahasan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply