‘Pige soup’ gamot sa dengue?

MAINAM umanong panlaban sa sakit na dengue ang “pige soup.”

Ito ang inihayag ng isang “Tsinay” na kusang loob na nagbahagi ng kanyang sikretong gamut upang makatulong sa pagsugpo ng “dengue virus.”

Sa ginanap na People’s Day, sinabi ni Sandra Pua, 54, ng Binondo kay Manila Mayor Alfredo Lim ang kanyang epektibong alam na gamot upang mapataas ang bumababang platelet counts ng dugo ng isang taong may dengue.

“Dati kong guro ang nagturo sa akin ng makasalubong ko siya sa Metropolitan Hospital ng i-confine ko ang aking anak dahil sa dengue,” ayon kay Pua.

Nabatid na umabot sa 59 lamang ang count ng platelet ng dugo ng kanyang anak. Ayon kay Dr. Teodoro Martin, direktor ng Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH), ang normal na platelet counts ng dugo ay dapat na naglalaro sa 150-200.

Ayon kay Pua, bumili lamang ng isang kilo ng pige ng baboy, pakuluan muna ito ng limang minuto para maalis ang mga dugo at pagkatapos ay muling hugasan at ilagay sa kaldero at lahukan ng ¾ na tubig base sa sukat ng kaldero.

Hayaan umanong pakuluin ng may dalawang oras at sa sandaling magkulay gatas na ang sabaw ay palamigin at ilagay sa refrigerator. Kapag buo na ang sebo, tanggalin at saka painiting muli ang natirang sabaw.

Wala umanong dapat ilahok na “seasoning” sa naturang sabaw na siyang ipainom sa pasyente na may dengue.

Naging epektibo na umano ng ilang beses ang “pige soup”  nang masubukan din sa isang pasyente na bumagsak na sa 29 ang platelet counts ng dugo at tumaas  sa platelet counts na 200 matapos na painumin ng nasabing sabaw.

“Wala namang mawawala kong subukan,” ayon pa kay Pua.

Samantala, hinikayat ni Lim ang mga residente na maging malinis sa kanilang kapaligiran particular na sa mga pinamumugaran ng lamok.

“Dalawang klase ang lamok na dapat ingatan, iyong mga lamok sa araw ang may dalang dengue virus,” ayon pa kay Lim.

Paalala pa ng alkalde na mabuting pasuotin ng pajama o mahahabang de manas na damit ang mga bata kung nasa bahay lamang bilang paraan ng pag-iingat sa dengue. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply