1 patay sa jail standoff

SA HALIP na magtungo pa kagabi, Agosto 25, sa Antique si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo ay inutos nito ang malalimang imbestigasyon sa naganap na pitong oras na stand off  ng mga inmates sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa San Jose, Antique na ikinasawi ng isang jail officer.

Nang ipaalam kay Robredo na nagwakas na ang hostage/standoff crisis sa loob ng kulungan ay nagpasya na itong umurong sa personal na pagpunta roon at sa halip ay inatasan ang PNP na siyasatin ang ugat ng kaguluhan at kung paano naipuslit ang baril na ginamit ng inmates sa pagpatay sa isang jail guard.

Ayon kay PNP spokesman, P/Chief Supt Grimero Cruz, Jr.,  nagumpisa ang kaguluhan pasado alas-5:00 nitong Huwebes, Agosto 25, kung saan inagaw ng mga inmates ang service firearm ng isa sa mga jail guards na si Jail Officer 2 Romar Saquibal at binaril.

Dead on the spot ang biktima matapos tamaan ng bala sa kaliwang mata mula sa kalibre .38 revolver na hawak ng inmate na si Christopher Fernando.

Kasunod nito, nangyari na ang pag-alsa ng mga inmates na armado ng inagaw na .45 caliber pistol at .38 caliber revolver habang isang Granada naman ang inilabas ng inmate na si Lloyd Francisco.

Ang mga nag-alsang inmates ay pinamunuan nina Fernando at Floyd Dandivas na kapwa may kasong murder, Rico Dandivas na may kasong rape at binansagang mayor de mayores at si Gerry Naldo na may kasong pagbebenta ng illegal drugs kasama ang 16 na mga inmates.

Agad naming kumilos ang mga tauhan ng ntique Provincial Police Office Tactical Team at iba pang police units sa area.

Inirereklamo ng mga inmates ang ginawang pag-transfer ng assignment sa Barotac Viejo, Iloilo ng jail warden na si Martin Arevalo at ang mahigpit na pamumuno sa ilalim ng bagong warden na si Jail Inspector Johnny Layog.

Nagsilbi namang negosyador ang abogado mula sa Public Attorney’s Office (PAO) na si Atty. Antonio Alcantara na siya ring legal counsel ng karamihan sa mga inmates.

Pasado alas-12:00 na  nang matapos ang negosasyon kung saan lumabas sa kulungan ang 16 na mga inmates at isinuko ang kanilang dalang mga baril matapos tiniyak na walang gagawing masama sa kanila kasunod ng ginawang pagpatay sa isang jailguard.

Napag-alaman na sa kabuuan, umaabot sa 172 ang mga inmates sa loob ng BJMP sa San Jose, Antique at sa kainitan ng pag-aalsa tatlo sa mga ito ang nakalabas ng kulungan. Verlin Ruiz

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply