1:45 ratio ng guro at mag-aaral isusulong sa Taguig

NAKATAKDANG isulong ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang “Taguig Learners Certificate” (TLC) sa ilalim ng scholarship program nito upang ganap na maipatupad ang 1:45 ratio ng guro at mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan ng nabanggit na lungsod na lalaanan ng pondo na magmumula sa P1.121B education budget ngayong 2011.

Alinsunod sa nasabing hakbangin na naglalayong bawasan ang bilang ng mga estudyante sa public school, sinabi ni LGU-Taguig spokesperson Atty. Darwin Icay na ang TLC scholarship program ay magsisilbing behikulo ng voucher system na mapapakinabangan ng 1,500 freshmen students na nasa pampublikong paaralan na ililipat sa pampribadong paaralan.

Batay sa Public Secondary Schools Enrolment Data sa School Year 2011-2012, ang kabuuang bilang ng high school student sa Taguig ay binubuo ng 34,205 at sa bilang na ito ang average na dami ng estudyante sa 12 public high school sa lungsod ay 68 na sinasabing malayo sa target class size ng Department of Education (DedEd) na 45 sa bawat klase.

“Panahon na para lapatan ng angkop na solusyon ang problemang ito,” ani Icay.

Ipinaliwanag ng pamunuan ni Cayetano na mapapaigting anila ang quality education sa mga pampublikong paaralan ng lungsod sa sandaling mabawasan ang malaking bilang ng mga mag-aaral na tinuturuan sa bawat klase.

“Tataas ang antas ng kaalaman ng mga batang nag-aaral at hindi rin mahihirapan ang mga guro sa pagtuturo,”  ani Cayetano.

Batay sa data ng Local School Board noong 2009, naging bansot ang performance ng Taguig ng pumangalawa ito sa huli sa ginanap na National Achievement Test na dinaluhan ng 16 na City School Division sa National Capital Region (NCR).

“Hindi namin gustong maulit ang pangyayaring ito kaya dinagdagan namin ang bilang ng mga guro na ngayon ay may 162 na kung ihahambing sa dati na 138 lamang,” saad pa ni Cayetano.

Makakabalikat ng LGU-Taguig ang Association of Private School Administrators (APSA) na siyang hihirang sa mga accredited schools sa DepEd upang mapabilang ito sa nasabing programa.

Ayon kay Icay, P10,000.00 ang ilalaang pondo para sa matrikula ng mag-aaral at may karagdagang P5,000.00 na magmumula sa Local School Board (LSB) bilang pantustos sa mga aklat at iba pang gamit pang-eskwela.

Nilinaw din nito na kailangan aniyang sumailalim ng mag-aaral sa alituntuning ipinatutupad ng TLC upang patuloy nitong makamit ang benepisyo ng scholarship program ng pamahalaang lungsod.

Bukod sa binanggit na programa, naglaan din si Cayetano ng mahigit P200 milyon para sa pagpapatayo ng mga bagong public school buildings at P100 milyon para sa karagdagang scholarship ng mga mag-aaral. PP Corpus

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply