2 patay, 2 nawawala dahil sa bagyong Mina

DALAWANG batang magkapatid ang namatay habang dalawa naman ang nawawala sa pananalasa ng bagyong Mina sa Pangasinan.

Kinilala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga biktima na magkapatid na Reajen Bautista, 5, at John Rey Bautista, 6, kapwa residente ng Barangay Rabon San Fabian, Pangasinan.

Nabaon sa putik ang dalawa nang matabunan ng lupa ang kanilang bahay.

Kinilala naman ang nawawala na sina Fred Nantes Sr., 48, ng Barangay Carisquis Luna, La Union at Nelson Vergara ng Barangay Poblacion Baras, Catanduanes, kapuwa mangingisda na hindi nakauwi matapos pumalaot sa karagatan.

Samantala, umabot naman sa 2,888 pamilya o katumbas ng 11,720 katao ang apektado ng bagyo mula sa apat na lalawigan sa Region II, V at VI.

Gayunman, nasa 196 na katao lamang ang nasa evacuation centers.

Umabot naman sa siyam na bahay ang nawasak sa Barangay 1 sa Moises Padilla, Negros Occidental.

Samantala, kinumpirma ng NDRRMC na ligtas ang 84 pasahero ng M/V Maria Josefa isang Cargo RORO type na barko na pag-aari ng Montenegro Shipping Lines na unang napaulat na nalulunod kaninang madaling araw sa Catainga, Masbate mula sa Bogo, Cebu.

Ligtas umanong nakadaong ang barko sa pantalan ng Bogo Cebu kaninang umaga lamang at walang nasaktan.

Samantala, hindi na madadaanan ang lansangan mula Panzian papuntang Adams road sa Ilocos Norte bunsod ng malakas na tubig baha mula sa bundok.

Sa Cagayan province naman, ang Tawi bridge sa Peñablanca, Both Abusag at Bagunot Bridge sa Baggao ay napaulat na hindi madadaanan dahil sa pagbaha.

Habang ang Sta. Maria Overflow bridge ay hindi na rin madadaan bunsod ng mataas na tubig baha.

Nagpapatuloy naman ang clearing operations ng awtoridad sa ilang lansangan sa Benguet na nagkaroon ng landslides. Robert C. Ticzon

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply