200 ina lumahok sa kampanya sa ‘breast feeding’

LUMAHOK ang humigit kumulang sa 200 ina sa inilunsad na kampanya sa breastfeeding nitong Linggo, Agosto 21, sa Batangas City.

Ang proyekto ay ginawa sa pakikipagtulungan ng City Health Office (CHO) bilang bahagi ng kanilang adbokasiya na mapalawak ang breast feeding sa mga ina na isang patunay ang pagkakaroon ng maayos at komportableng breastfeeding station sa loob ng SM City mall sa Batangas.

Sa programang isinagawa sa Cart Aisle ng mall na may temang “Breastfeeding is Welcome in SM Supermalls,” sinabi ni Assistant Mall Manager Gemina Buenaflor na sinusuportahan nila ang breastfeeding sa pamamagitan ng pag-reach out sa mga ina upang ipamulat sa kanila ang maraming benepisyo ng pagpapasuso.

Dumalo rin sa nasabing programa si City Nutritionist Luciana Manalo, ang mga barangay nutrition scholars (BNS), barangay health workers (BHW) at mga narses at midwife ng CHO.

Ayon kay Dr. Richelle Macalindong, chief president ng Pediatric Department ng Batangas Regional Hospital, lahat ng ina ay puwedeng magpa-suso maliban na lamang kung may sakit sa pag-iisip, drug-addict, may HIV, goiter at cancer.

Itinuro naman ni Cora Landicho, midwife sa CHO ang “baby massage techniques.” Ayon kay Landicho, ang pagmasahe sa sanggol ay maaaring gawin pagkatapos paliguan ito sa umaga at bago matulog sa gabi at dapat gawin sa kuwarto na hindi mahangin at nasa kundisyon ang bata.

Samantala, pinasalamatan naman ni Manalo ang mga barangay chairmen ng Pinamucan Ibaba, Gulod Itaas/Labac, Balagtas, Ambulong, Tabangao Aplaya, Cuta, Calicanto, Paloocan West, San Isidro, Dumuclay, Kumintang Ibaba, Barangay. 24, Alangilan, San Pedro at Libjo sa suporta nila sa nasabing programa. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply