3-anyos todas sa pinaglaruang baril

PATAY ang isang tatlong taong gulang na batang babae matapos aksidenteng maputukan ng baril sa ulo ng hinihinalang napaglaruan nito na pag-aari ng kapitbahay na isang sundalo sa Taguig City.

Dead on Arrival sa Taguig Pateros Hospital ang biktima na nakilalang si Angel Ann Bunola habang ang may-ari ng baril na aksidenteng pumatay sa bata ay si PO2 Gilbert Glian, 29, ng Philippine Navy at kapitbahay lamang ng pamilya ng biktima.

Ayon kay Sr.Supt. Tomas Apolinario, hepe ng Taguig City Police, nagtungo si Angel Ann kasama ang kapatid 2-anyos na kapatid sa bahay nina Glian upang makipaglaro sa anak ng sundalo.

Dakong alas-7:25 dumating ang sundalo habang naglalaro ang mga bata sa kanyang bahay. Ipinatong ni Glian ang cluthbag nito na naglalaman ng kanyang .45 kalibre na baril sa ibabaw ng isang kahon at kagyat na lumabas ulit ng bahay upang magtungo sa isang kamag-anak na malapit lamang sa lugar. Naisipan marahil ng biktima na usisain kung ano ang laman ng bag kayat hinawakan niya ito subalit sinaway umano ng anak ng sundalo.

Nalingat umano ang anak ng sundalo na sinamantala ng biktima para buksan ang bag kung saan maya-maya ay biglang pumutok ang baril at humandusay ang bata na tigmak ng sariling dugo.

Dahil sa pangyayari, isinailalim agad ang may-ari ng baril na si Glian sa isang paraffin test ng pulisya upang malaman kung nagpaputok siya ng baril. Hindi naman nagsampa ng reklamo ang pamilya ng biktima dahil tanggap na ng mga ito umano na aksidente ang pangyayari.

Pinag-aaralan pa rin ng mga awtoridad kung kakasuhan nila si Glian dahil sa pagpapabaya nito sa kanyang armas na nagresulta ng aksidente. Ben Reyes

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply