46 na estero lilinisin ng MMDA sa loob ng isang buwan

INUMPISAHAN na ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang isang-buwang paglilinis sa mga estero sa Kamaynilaan upang maiwasan ang pagbabaha ngayong panahon ng tag-ulan.

Target ng programa na tinawag na “August Estero Blitz” na makakolekta ng 250 trak ng basura at malinis ang nasa 46 na estero mula Agosto 8 hanggang Setyembre 8.

Inumpisahan ngayon ang paglilinis sa Estero Tripa de Galina sa San Andres, Maynila sa tulong ng Caritas-Manila, Department of Health at mga lokal na pamahalaan. Target din ng programa na malinis ang kahabaan ng Tullahan River at Culiat River.

Nagpaalala naman si MMDA Chairman Francis Tolentino sa publiko na hindi lamang dapat ang pamahalaan ang gumawa ng aksyon sa paglilinis ng mga estero laban sa baha.

Aniya, kailangan din nila ang tulong ng mga volunteer at dapat makipagtulungan din ang mga barangay sa pagbabawal sa pagpapatira sa gilid ng mga estero at pagbabawal sa pagtatapon ng basura.

Nilinaw rin ni Tolentino na hindi ide-demolish ang mga bahay sa gilid ng mga estero ngunit tatanggalin lamang ang mga obstruksyon para sa malayang pagdaloy ng tubig.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply