5 taon kulong sa Bangladeshi na nang-rape sa Pinay

MATAPOS ang isang taon na paglilitis, hinatulan ng korte ng limang taong pagkabilanggo ang isang Bangladeshi na napatunayang nanghalay sa Pinay na kasambahay sa United Arab Emirates.

Pauuwiin na rin sa kanilang bansa ang 25-anyos na Bangladeshi matapos niyang bunuin ang limang taong hatol ng Court of First Instance sa bilangguan.

Gayunman, may 15 araw pang nalalabi ang Bangladeshi upang iapela sa korte ang naging hatol sa kanya.  Ito ay batay sa batas na ipinaiiral ng UAE.

Ayon sa rekord ng korte, naganap ang insidente noong Abril 22, 2010 habang nag-iisa sa kanyang silid ng biktima.

Napatunayan ng General Department of Criminal Evidence ang ginawang panghahalay sa biktima sa pamamagitan ng nakuhang semilya sa katawan ng biktima at sa blanket na tumugma sa akusado.

Sa panig ng akusado, lasing siya nang araw na maganap ang insidente at hindi nagawang makipagtalik sa biktima.

Iginiit ng 37-anyos na Pinay domestic helper na pwersahang pumasok sa kanyang silid ang akusado at ini-lock ang pinto, itinulak siya sa kama, hinubaran at hinalay.

Isang tsuper na Indian national ang nakasaksi sa tumakas na akusado na nanggaling sa silid ng biktima nang araw na maganap ang insidente.

Nakita rin ng tsuper ang umiiyal na kasambahay na takot na takot at nagpahayag sa masaklap na sinapit sa akusado.

Pinayuhan din ng saksi na tumawag sa pulisya upang maaresto at masampahan ng kaso ang nanghalay na Bangladeshi. Ben Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply