59 katao patay dahil sa dengue sa MM

AABOT sa 59 katao ang nasasawi dahil sa sakit na dengue sa Metro Manila na una ng isinailalim sa dengue hotspot.

Batay sa report ng Department of Health (DOH), halos nasa 10,000 ang kaso ng dengue mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon sa bansa.

Sa isang lokal na himpilan ng radyo, iniulat na ang Quezon City ang nangungunang lungsod sa Metro Manila na may pinakamataas na bilang ng dengue na nasa higit 2,500 kaso.

Sinundan ito ng Maynila na may mahigit 1,000, Caloocan City, Pasig City at Valenzuela City.

Bunsod nito patuloy na pinapayuhan ng DOH ang mga lokal na pamahalaan na pangunahan ang paglilinis sa mga lugar na pinamumugaran ng lamok.

Nanawagan din ang ahensya sa publiko na huwag maging pabaya. Mariin ding ipinabatid ng DOH sa publiko na tuwing panahon ng tag-ulan, nagkakaroon ng maraming breeding site ang lamok partikular sa Metro Manila.

Napag–alaman na mas maraming lamok sa masikip na lugar kaya dapat umiwas na mapadako sa ganitong lugar upang hindi matiyempuhan ng lamok na carrier ng dengue.

Anila, ang pagkain ng lamok ay dugo kaya ang mga tao ang kanilang kinakagat.

Iginiit ng DOH na kapag nagkatrangkaso ang isang tao sa loob ng 2 araw, dapat dalhin na at patingnan sa doktor bago maging huli ang lahat.

Iniulat naman ngayon, Sabado, ng Health department ng Quezon City na may 56 katao na dinapuan ng dengue ang nakaratay ngayon sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) kung saan ang 25 pasyente ay taga-Lungsod Quezon at 31 ay mula sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply