86 huli sa paglabag sa bus tagging scheme ng MMDA

UMABOT sa 86 pampasaherong bus ang nahuli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa paglabag sa pinaiiral na bus tagging scheme simula kaninang alas4:00 ng madaling-araw (Lunes, Agosto 22).

Sinimulan ng MMDA ang pagpapatupad ng bus tagging scheme ng plate number ng bus sa harap, likod, tagiliran at bubong ng bus, matapos ang isang linggong dry run

Kabilang sa mga bus na gumamit ng sticker sa halip na ipintura ang numero ng kanilang plaka ay ang Mafel Trans, Reynalyn, Jell Transport, CEM Trans Incorporated at iba.

Pinayagan din namang makabiyahe ang mga bus matapos mabigyan ng TVR at binalaan ang mga ito na kailangang itama na ito bukas.

Pangamba ng MMDA, madaling mapalitan ang plaka ng bus kung sticker lang ang gagamitin.

Pagmumultahin na ng MMDA simula ngayong araw ang mga bus driver na lumalabag sa tagging scheme.

Magugunitang isinagawa noong isang linggo ang dry run para sa vehicle tagging scheme ng mga pampasaherong bus.

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, P500 ang multa ng bus na lalabag sa tagging scheme sa unang pagkakataon at irerekomenda na nila ang kanselasyon ng prangkisa sa Land Transportation Franchise and Regulatory Board (LTFRB) kapag lumabag sa nasabing programa sa ikalawang pagkakataon.

Layon ng programa na matukoy ang mga kolorum na bus at mapalakas ang traffic monitoring at surveillance ng MMDA sa mga pampasaherong bus sa Metro Manila.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply