An officer and a gentleman

BAGAMA’T isinabit ng whistle-blower na si Senior Supt. Rafael Santiago si Zambales Governor Hermogenes Ebdane, Jr. sa sinasabing dayaan noong 2004 presidential elections, kapuna-puna ang hindi pagpatol ng dating police general sa bintang na ito laban sa kanya.

Nang kunin ang kanyang panig hinggil sa mga naglabasang ulat ay maikling text message lamang ang naging katugunan ng gobernador sa Huli ‘Yan. Heto po ang kanyang nais na iparating: “No comment at this point. I will answer the allegation in the proper forum. I cannot quarrel with him (Santiago) in the media.  These are allegations I don’t intend to dignify.  As to his motive, please address  that to him. Let the issue run its course.”

Simple lamang ang naging katugunan ni Ebdane na naging hepe rin ng PNP, sekretaryo ng Defense at sekretaryo ng DPWH bago pa naging gobernador ng Zambales, subalit kung lilimiin ay napakalalim ng mensaheng nais n’yang ipahiwatig sa nasabing text message.  Tila ang ibig sabihin ni Ebdane, walang kwenta itong ngaw-ngaw sa media ni Santiago dahil wala namang pormal na pagsasampa ng reklamo, maging sa korte o sa anomang investigating body.

Ni wala pa nga kahit na affidavit na inilalabas itong si Col. Santiago.

Kaya, bakit kailangang patulan?

Talk is cheap, wika nga. May lumabas din na interbyu ang gobernador sa isang istasyon ng telebisyon na tila may pumukaw sa pansin ng Huli ‘Yan na kung saan itinuturing umano ni Ebdane na “anak-anakan” itong si Col. Santiago.

Kung tama ang pagkakakilala ng Huli ‘Yan sa gobernador, simula nang ito ay hepe pa lamang ng Western Police District noong araw, ay masakit nga ang nangyaring pagpukol ng bintang ni Santiago.

Gayunpaman, walang namutawing paghihiganti mula sa bibig ni Ebdane.

Ang sabi lang n’ya kay Santiago: ”Pangatawanan n’ya lang yung ginagawa n’ya, at sa akin naman, pagdating ng araw na kailangan n’ya ang tulong ko…ibibigay ko pa rin sa kanya… bilang anak.”

Waring halaw sa pabulang “Alibughang Anak” ang pagkasambit ni Ebdane.

An officer and a gentleman talaga.

Hindi lang ‘yan, handa raw na harapin ni Ebdane ang anumang gagawing imbestigasyon at natitiyak ng Huli ‘Yan na kaabang-abang sa mga Zambaleño ang magiging pahayag ng magiting nilang gobernador sa mga susunod na araw.

Abangan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply