Arroyos gigisahin sa P6B PNP modernization fund

HINDI pa natatapos lusutan ng mag-asawang Arroyo ang P105 milyon chopper scam, panibagong anomalya na naman ang naungkat ng isang senador partikular ang P6 bilyong PNP modernization funds na hindi pa natutuos hanggang ngayon.

Nais ni Sen. Panfilo Lacson na imbestigahan din ng Senado ang posibleng maniobra ng mag-asawang dating First Gentleman Mike Arroyo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa P6 bilyong PNP modernization fund.

Ayon kay Lacson, kailangan matukoy kung paano nagamit ng PNP ang Capability Enhancement Program (CEP) nito na siyang katumbas ng modernization program sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Tumatanggap ang CEP ng taunang karagdagang P2 bilyon badyet para sa modernisasyon ng puwersa ng pulisya at inilalaan ito na hiwalay sa taunang gastusin ng PNP.

“We have so far accounted P 390 million for V150s wherein 38 were supposed to have been repaired but only 13 were repaired but also overpriced, the P 105-million that went to the three helicopters and then additional P 100 million for the rubber boats,” ayon kay Lacson.

Sinabi ni Lacson na may P6 bilyong pondo ang PNP na puwede n itong gastusin mula 2008 hanggang 2010 na kailangang imbestigahan ng Senado kasunod na pagkakabulgar sa maanomalyang bentahan ng lumang helicopter sa PNP.

Hindi inaalis ni Lacson ang posibilidad na ginamit ang malaking bahagi ng CEP fund para sa 2010 presidential elections.

Base sa natanggap na impormasyon ni Lacson, umaabot sa P1 bilyon ang inilipat ng liderato ng PNP sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) kahit nakatakda ang halaga bilang capital outlay. Sa ilalim ng accounting terms, ginagamit ang pondo sa capital outlay upang bumili ng ari-arian at magpatayo ng impraestruktura.

“Saan ginamit ang P1 bilyong na-realign from the capability enhancement program ng PNP? Ibig sabihin capital outlay ito paano napunta sa MOOE?  Pag dinala sa MOOE maraming laro na yan ma-account paano ginastos. Gusto natin malaman ‘yan,” ayon kay Lacson. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply