Arroyos ‘no show’ sa chopper probe ng Sando

MULING nabigong dumalo sa imbestigasyon ng Senado ang magkapatid na Negros Occidental Rep. Ignacio “Iggy” Arroyo at dating First Gentleman Mike Arroyo hinggil sa maanomalyang bentahan ng lumang helicopter sa Philippine National Police (PNP) noong 2009.

Pinagtibay ng Senate panel na hindi na imbitahan ang dating unang ginoo matapos patunayan ni Dr. Manuel Chuachiaco, executive director ng Philippine Heart Center na makakasama sa kalusugan nito ang pagdalo sa pagdinig.

“Mike Arroyo will no longer be required to appear before the hearing because he is suffering from Dissected Aortic Aneurysm as testified by Dr. Chuachiaco,” ayon kay Sen. Teofisto Guingona, chairman ng Senate panel.

Ngunit, patuloy na hinamon naman ni Guingona ang magkapatid na Arroyo na dumalo sa pagdinig ng komite upang maipaliwanag ang kanilang panig at linawin ang anomalyang ikinakabit sa kanila.

“Uulitin ko. Kung pupunta dito si Mr. Arroyo, malaya niyang masasagot ang lahat ng mga akusasyon laban sa kanya. Sinisiguro ng komiteng ito ang patas na trato para kay Mr. Arroyo,” ayon kay Guingona.

Hinamon din ni Guingona si Rep. Arroyo na lumantad sa pagdinig ng Senado at ipaliwanag ang lease agreement na pinasok nito sa Lion Air Inc., taliwas sa testimonya ng ilang saksi at dokumento sa Senado na si Mike Arroyo ang may-ari ng helicopter.

“Sana, maintindihan ni Congressman Iggy Arroyo na hindi naman maaari na basta na lamang magbibitiw ng mga salita ang isang halal na kasapi ng Kongreso at pagkatapos ay hindi na siya papayag na linawin ang sinabi niya sa ating mga kababayan. At ang masakit dito, magiging hadlang pa ang courtesy sa pagitan ng senado at kongreso sa paghahanap ng katotohanan sa likod ng mga binitiwang salita ni Congressman Iggy Arroyo,” giit ni Guingona.

Dagdag pa ng senador: “Sana, maintindihan ng mga Arroyo na ang mga dahilan, excuse at rason na ginagamit nila ay halos hindi na pinaniniwalaan ng ating mga kababayan. At sa tuwing gagamit sila ng dahilan, lalo lang silang nababaon sa malaking pagdududa ng sambayanan.”

“Hindi pa huli ang lahat,” patapos niya.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply