Ayuda ng LGUs hiniling ng NHA para sa ‘informal settlers’

INIHAYAG ng pamunuan ng National Housing Authority (NHA) ang kanilang masidhing layunin na mabigyan ng tahanan ang mga “informal settlers” sa tulong narin ng mga lokal na pamahalaan.

Sinabi ni General Manager Chito M. Cruz na kailangan nila ang tulong ng mga iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan lalo na ang mga local government units upang maipagpatuloy ang mga programang pabahay at relocation project sa buong bansa.

Ang NHA ang pangunahing ahensya ng pamahalaan na nagsusulong ng socialized housing sa ilalim ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC).

Sinabi ni Cruz na ang pagsugpo sa problema sa mga pabahay lalo na sa Metro Manila ay isa sa pinakamalaking iniintindi ng pamahalaan sa kasalukuyan.

Dahil dito, hinihingi ng NHA ang tulong ng mga LGUs sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga lupang maaaring magamit sa mga proyektong pabahay.

Ayon kay Cruz, ang pagkakaroon ng mga lupa sa tulong ng mga lokal na pamahalaan ay malaking tulong upang mabawasan ang gastos ng pamahalaan sa mga pabahay.

“Kailangan po naming sa NHA ng mga lupa, especially lupa po ng gobyerno, na pwede naming gamitin as Socialized Housing Sites para po doon sa ating mga mahihirap na kababayan. Sa ganitong paraan mababawasan na po naming iyong cost of producing housing units at nang mas dumami pa ‘yung aming ipagagawang bahay doon sa aming limitadong pondo,” ani Cruz.

Tinawag din niya ang pansin ng mga LGUs na mahigpit na maipatupad ang mga kasalukuyang batas katulad ng Building Code at Anti-Squatting Law upang makontrol ang patuloy na pagtaas bilang ng mga “informal settlers.”

Habang gumagastos ang pamahalaan sa mga proyektong pabahay nito, patuloy na dumarami ang bilang ng mga dapat maging benipesyarong “informal settlers” na nagpapabagal sa pagresolba sa problema ng pagbibigay ng disenteng pabahay sa mga kababayang nangangailangan.

“Kahit gaano kadami ‘yung aming pinagagawang pabahay, kung tuluy-tuloy naman po iyong pagdami ng ating mga informal settlers ay hindi po talaga natin mabibigyan ng tama at kaukulang solusyon itong problemang ito,” ayon pa kay Cruz. Johnny F. Arasga

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply